Mohagher Iqbal
Opisyal nang sinibak sa puwesto si Mohagher Iqbal bilang Minister ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito’y matapos siyang utusan ni Chief Minister Abdulraof Macacua na maghain ng kaniyang irrevocable resignation noong Mayo 18, kasunod ng mga natuklasang anomalya sa isang special audit report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa pagbili ng mga education at training materials na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon.
Sa dalawang pahinang liham ni Macacua na may petsang Mayo 11, 2026, tahasang pinagsabihan si Iqbal na ituturing siyang sibak o nagbitiw na sa puwesto kapag hindi niya isumite ang kaniyang pagbitiw sa itinakdang deadline.
Ayon kay Macacua, seryoso at malalalim ang nakitang iregularidad ng COA sa mga procurement ng MBHTE sa ilalim ng pamumuno ni Iqbal.
Kabilang sa mga binigyang-diin sa ulat ang hindi pagpapataw ng MBHTE ng Liquidated Damages (LD) na nagkakahalaga ng P1.06 milyon sa kabila ng 520 araw na pagkaantala (delay) sa paghahatid ng P30.9 milyong halaga ng mga armchairs para sa mga primary school learners.
Ang naturang kapabayaan ay malinaw umanong paglabag sa Section 68 at Item 3 ng 2016 Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 9184 (Government Procurement Reform Act).
BASAHIN: T-bird arestado matapos saktan ang 3-anyos na anak ng kanyang dyowa sa Taguig
Bukod dito, may 53 kontrata na nagkakahalaga ng P1.95 bilyon ang iginawad ng MBHTE sa mga suppliers sa kabila ng mga “material defects” o depekto sa proseso ng procurement.
Dahil din sa huling pag-post ng Performance Security (PS) ng mga bidders, hindi naging sigurado ang ahensiya kung natupad ba nang tapat ang obligasyon sa mga kontrata.
Lumalabas din sa pagsusuri na may 73 disbursement vouchers (DVs) na may kabuuang halagang P2.24 milyon ang pinroseso at binayaran nang buo sa mga supplier base lamang sa sertipikasyon ng mga opisyal ng MBHTE, kahit kulang-kulang at walang mga kailangang legal na dokumento.
Dahil dito, nag-isyu na ang COA ng mga initial notice of disallowance laban sa mga transaksiyong ito at inaasahan ang marami pang kasunod na disallowances.
Binigyang-diin ni Macacua sa kaniyang liham na dahil sa bigat at laki ng pondong nasasangkot, seryosong nanganib at nabaon sa alanganin ang isinusulong nilang “moral governance” sa rehiyon, bukod pa sa tuluyang pagkasira ng tiwala ng publiko sa pamahalaan ng BARMM.
