Photo credit: Alex Genil/FB
Pagpasok ng Enero at Pebrero, hindi lang bagong kalendaryo ang usap-usapan kundi pati na rin ang paghahanap ng “greener pastures.”
Ito ang itinuturing na peak months sa job searching dahil sa paglabas ng mga bagong budget ng mga kumpanya at ang pagnanais ng mga empleyado para sa mas mataas na sahod at posisyon.
Para sa mga nakararamdam ng “dread” o kawalan ng gana sa pagbabalik-trabaho matapos ang holidays, nagbahagi ng mahahalagang payo si Alex Genil, ang Vice Chairman at Group CEO ng kilalang recruitment firm na ZMG Group (na kinabibilangan ng ZMG Ward Howell at Asia Select).
Narito ang pitong gabay mula kay Genil para makuha ang iyong dream job ngayong 2026:
1. Pakiramdaman ang “Monday Dread”
Ayon kay Genil, kung tuwing Lunes ay tila pasan mo ang daigdig at wala kang gana pumasok, senyales ito na dapat ka nang kumilos. Ngunit paalala niya, alamin ang ugat nito: burnout ba ito, toxic na environment, o pakiramdam na hindi ka na umuunlad? Kung hindi na tugma ang iyong values at skills sa kumpanya, panahon na para mag-explore.
2. Mananatili o Lilipat?
Kung bibigyan ka ng bagong role sa loob ng kasalukuyang kumpanya, tanungin ang sarili: “Mailalapit ba ako nito sa aking career objective?” Kung gusto mo ang kumpanya pero ayaw mo ang ginagawa mo, mainam ang internal transfer. Ngunit kung mas malaki ang oportunidad at mas maganda ang reputasyon ng ibang kumpanya, huwag matakot na lumabas.
3. Huwag Ismolin ang “Lateral Move”
Hindi porke walang taas sa ranggo ay hindi na ito maganda. Ayon kay Genil, ang paglipat sa ibang departamento na kapareho ng level (halimbawa, mula Marketing tungong Sales) ay nagbibigay ng bagong kaalaman. Ito ang maghahanda sa iyo para sa mas mataas na posisyon tulad ng Chief Operating Officer (COO) sa hinaharap.
4. Huwag Agad Mag-“Yes” sa Unang Offer
Ibinahagi ni Genil ang kanyang karanasan kung saan muntik na siyang magmadali sa pagtanggap ng trabaho. Ang pagkakaroon ng maraming opsyon ay makatutulong upang makapili ng kumpanya na may mas magandang package at mas mahusay na boss.
5. Piliin ang Mas Mahirap na Role
Para sa mga fresh graduates, payo ni Genil na piliin ang mga mapanghamong trabaho. “Mas kaunti ang kompetisyon sa mga unique o mahirap na trabaho, at ito ang humuhubog sa karakter,” aniya. Ang maagang paghawak ng responsibilidad at pagharap sa hamon ay magpapabilis sa iyong pag-angat sa career ladder.
6. WFH pa rin sa 2026
Bagaman maraming kumpanya ang balik-opisina na, buhay pa rin ang Work-From-Home (WFH) sa mga sektor ng IT, Creative Services, Digital Marketing, at Customer Service. Payo ni Genil, mas mainam na pag-usapan ang remote work setup sa mismong stage ng job offer.
7. Lakasan ang Loob na Mag-negosasyon ng Sahod
Dahil ang paglipat ng trabaho ay may kaakibat na panganib at abala (tulad ng mas mahabang commute o pagkawala ng tenure), dapat itong mabayaran nang tama. Ayon kay Genil, i-monetize ang iyong mga “unique skills” at accomplishments para makakuha ng mas mataas at makatarungang sahod.
Bonus Tip para sa mga Bagong Hired: Kapag nakapasok na sa bagong trabaho, maging mapagmatyag muna sa kultura ng kumpanya. “Keep your head down at first,” ani Genil. Aralin nang mabilis ang mga proseso at hanapin ang mga “low hanging fruits” o mga gawaing madaling solusyunan para agad kang makapag-deliver ng resulta.
