May 18, 2024

Babaeng alkalde ng Infanta, Quezon sugatan sa ambus

SUGATAN ang alkalde ng Infanta, Quezon matapos na tambangan ng mga hindi pa kilalang mga salarin kaniang umaga sa Rizal St., Poblacion 1, ng nabanggit na bayan.

Kinilala ang biktima na si Mayor Filipina Grace America, nasa hustong gulang at kasalukuyang kandidato sa pagka-alkalde sa kanyang ikalawang termino.

Batay sa inisyal na report, naganap ang pananambang dakong alas-11:15 ng umaga.

Nabatid na papauwi na ng kanilang bahay ang biktima galing ng Disciple Church sakay ng itim na Chevrolet Trailblazer SUV (SAA 1670) na minamaneho ng isang Alvin America nang harangin at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Nagtamo ng sugat sa braso ang biktima at agad na dinala sa Claro M. Recto Hospital para gamutin.

Mabilis tumakas ang mga salarin matapos ang ginawang pamamaril patungo sa ‘di pa tukoy na direksyon.

Narekober sa lugar ng crime scene ang pitong piraso ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Inaalam na ngayon ng mga otoridad kung may kinalaman sa trabaho ng biktima bilang mayor ang nangyaring ambus at ang mga pagkakakilanlan ng mga posibleng suspek sa bigong pamamaslang. (KOI HIPOLITO)