
Pinuri ni Education Secretary Sonny Angara ang Happy Hollow National High School (NHS) sa Lungsod ng Baguio matapos tanghaling “Healthiest School” sa Asya, at itinuring ang kanilang organic farming initiative bilang matibay na halimbawa kung paano maaaring makatulong ang mga paaralan sa isinusulong na kampanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa food security at sustainability.
Isang ganap na DepEd farm school noong 2024, tumanggap ang Happy Hollow NHS ng AIA Outstanding Healthy Eating Award 2025 at premyong US$15,000 (humigit-kumulang P840,000) para sa kanilang pangunahing programa na Project O.R.G.A.N.I.C. (Offering Resources of Growing Agri-product and Nutrition in Community). Layunin ng proyekto na itaguyod ang healthy eating, organic agriculture, at waste reduction habang sinasanay ang mga mag-aaral sa likas-kayang produksyon ng pagkain.
Sa ilalim ng Project O.R.G.A.N.I.C., sinasanay ang 168 Grade 12 learners sa Organic Agriculture Production (OAP) para magtanim ng mustasa gamit ang organic methods at recycled materials.
“We have this to teach students about how to live happier and healthier,” Teacher Aries Busacay said.
Gumaganap bilang mentors ang mga mag-aaral sa mas batang mga estudyante, katuwang ang mga opisyal ng barangay, nutritionists, at mga magulang sa mga aktibidad gaya ng backyard gardening, feeding programs gamit ang ani mula sa paaralan, workshops sa pagtatanim at pag-aani, at nutrition seminars sa sustainable meal planning. Nagsasagawa rin sila ng paghahanda para sa TESDA NC II certification upang mapabuti ang kanilang job prospects sa hinaharap.
“Patunay itong Project O.R.G.A.N.I.C. na kapag nagtulungan ang paaralan, magulang, at komunidad, kayang buhayin ang tradisyon ng agrikultura at sabay nating mapaunlad ang kalusugan at kinabukasan ng ating mga kabataan,” wika ni Education Secretary Sonny Angara. “Inspirasyon ito sa ating layunin na gawing katuwang ang mga paaralan sa pagpapatupad ng food security agenda ni Pangulong Marcos.”
Ayon sa DepEd, nakatulong ang inisyatiba hindi lamang sa pagbawas ng malnutrisyon, base sa body mass index (BMI) data, kundi pati sa pagpapataas ng partisipasyon ng mga mag-aaral, pagpapaunlad ng kanilang praktikal na kasanayan, at pagpapatibay ng kultura ng sustainability sa komunidad.
Nagmumula ang konsepto ng farm school sa bisyon ng yumaong Senador Edgardo J. Angara na naisakatuparan sa pamamagitan ng Republic Act No. 10618 o Rural Farm Schools Act. Sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Angara, mayroon nang 156 farm schools sa eight na rehiyon na nagbibigay ng agricultural training, technical skills, at entrepreneurship education.
“Sa mga farm school, bukod sa pagtatanim, hinuhubog natin ang bagong henerasyon ng mga lider sa agrikultura at negosyo,” ani Sec. Angara. “Kapag marunong ang kabataan sa produksyon ng pagkain, teknolohiya, at pangangalakal, mas maganda ang kinabukasan ng ating mga komunidad at mas tiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa.”
Kinilala ng nasabing parangal ang mga paaralan sa buong Asya na nagpapakita ng pambihirang inobasyon sa pagsusulong ng healthy lifestyles, active living, at pangangalaga sa kapaligiran.
Nagwagi ang Baguio-based school laban sa 15 pa nitong kalaban mula sa Australia, Hong Kong, Thailand, Vietnam, Malaysia, Indonesia, at Sri Lanka ng Asia-Pacific region.
