Karumal-dumal ang sinapit ng 25-anyos na Person with Disability (PWD) na kamakailan lang ay kinoronahan bilang Miss Gay 2025 sa Barangay Sambat, Tanauan City, matapos matagpuang patay na may 13 saksak sa katawan sa Lipa City nitong Sabado ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Jericho Elliorante, bunsong anak sa anim na magkakapatid, na ayon sa pamilya ay mabait at madaling pakisamahan.
“Mabait po siya, sobrang bait po niya… halos lahat po ng tao dito kasundo niya,” luhaang pahayag ng kapatid na si Janine.
Ayon sa Lipa City Police, natagpuan ang katawan ni Elliorante bandang alas-2:00 ng umaga sa tapat ng isang kapilya sa Purok 3, Barangay Tangway. Sa kuha ng CCTV, may tricycle na dumaan malapit sa lugar dakong 12:30 ng hatinggabi. Makalipas ang ilang minuto, isang lalaking lumapit sa bangkay, kinuha ang pitaka, at saka tumawid patungo sa isang bahay.
Tinukoy ng mga residente ang lalaki na si “Alias Paul”, 26, isang kusinero na nakatira ilang metro lang mula sa pinangyarihan ng krimen. Agad siyang inaresto at umamin na siya ang pumatay sa biktima.
Sa salaysay ng suspek, nagkaroon umano ng “panghihipo” habang magkasama sila sa tricycle, dahilan para magalit siya at magplano ng pag-atake. Pagbaba ng tricycle, agad niyang pinagsasaksak ang biktima.
Mariin namang itinanggi ng pamilya ang alegasyon ng suspek. ““Doon po kami hindi maniniwala, kasi po yung kapatid namin yan, ayaw-ayaw niya pong lolokohin sa lalaki. Opo, bakla po siya, pero ayaw na ayaw po niya na dadaitan siya ng mga lalaki, galit po siya,” giit ni Janine.
Narekober ang walang laman na pitaka ng biktima sa isang masukal na lugar. Lumalabas din sa imbestigasyon na ilang buwan pa lang mula nang makalabas sa drug rehabilitation center ang suspek.
Kasalukuyan siyang nakakulong sa Lipa City Detention Center at nahaharap sa kasong murder. (KOI HIPOLITO)
