Nagpugay si Japanese Ambassador Endo Kazuya kay Senator Erwin Tulfo nitong Marso 16, 2026, matapos ang pagkakatalaga sa huli bilang Chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations noong nakaraang buwan.
Sa gitna ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Hapon ngayong taon, binigyang-diin ni Ambassador Endo ang kahalagahan ng mahabang kasaysayan ng magandang ugnayan ng dalawang bansa.
Sa kabila ng lumalalang kawalang-katiyakan sa rehiyonal at pandaigdigang aspeto, ipinahayag ng Ambassador ang layunin ng Japan na patuloy na mag-ambag sa iba’t ibang larangan kabilang ang seguridad at depensa, kooperasyong pang-ekonomiya, kapayapaan sa Mindanao, at palitan ng kultura at mamamayan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Senator Erwin Tulfo para sa patuloy na lumalakas na pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa nakalipas na mga dekada.
Ayon sa senador, nakatuon ang Senado sa pagbibigay ng kontribusyon para sa lalo pang pag-unlad ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Hapon.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, kapwa nagkasundo ang dalawang panig sa kahalagahan ng mas malapit na kooperasyon sa hinaharap upang harapin ang mga hamon sa rehiyon at siguruhin ang kapakanan ng kani-kanilang mga mamamayan.
