Apat ang kumpirmadong nasawi habang dalawa ang kasalukuyang nakikipaglaban para sa kanilang buhay matapos araruhin ng isang sasakyang minamaneho ng isang senior citizen ang isang motorsiklo at isang pedestriyan sa Barangay San Isidro nitong Linggo, Marso 15.
Batay sa opisyal na ulat mula sa Angono Municipal Police Station, nawalan umano ng kontrol sa preno ang 66-anyos na babaeng drayber habang tinatahak ang pababang bahagi ng kalsada mula sa exit ng isang subdivision sa nasabing barangay.
Sa tindi ng bilis ng sasakyan, unang sinalpok nito ang isang motorsiklo bago tuluyang sumalpok sa bangketa.
Agad na binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente ang isang 69-anyos na lalaking nakatambay lamang sa gilid ng daan matapos magtamo ng pinsala sa ulo.
Samantala, mabilis namang isinugod sa ospital ang mga sakay ng motorsiklo, subalit idineklarang dead on arrival ang isang 15-anyos na lalaki, ang 26-anyos na babaeng rider na lulan ng motorsiklo, at kanyang angkas na 23-anyos na kasintahan matapos mabigong i-revive ng mga doktor dahil sa tindi ng tinamong mga sugat sa katawan.
Sa kasalukuyan, tanging ang isang 13-anyos na binatilyo ang nakaligtas sa trahedya at nananatiling inoobserbahan sa pagamutan matapos magtamo ng mga galos at pagkabungi ng mga ngipin.
Ayon sa pamunuan ng lokal na pulisya, nahaharap ang matandang drayber para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Physical Injuries, and Damage to Property.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan, lalo na ang mga preno, bago bumiyahe upang maiwasan ang ganitong uri ng trahedya.
