May 16, 2024

ALLAN K, HANDANG AMPUNIN SI SUPERSTAR NORA AUNOR

HANDANG kupkupin ni Allan K si Ms. Nora Aunor kung sakaling maghirap man ito. Pero ayaw naman niya iyon na mangyari kay sa Superstar dahil siya ang unang masasaktan.

Idol ni Allan K si Nora Aunor, simula pa ng kanyang pagkabata. Ginawa niyang inspirasyon si Nora at hindi nga niya sukat akalain na magtatagumpay siya na makapasok sa mundo ng showbiz. Bilang komedyante, napasok na rin niya ang mundo ng telebisyon, at hindi naglaon ay naging isa siyang ganap na may-ari ng mga comedy bar.

“Ayon kay Allan, kung maghirap daw si Nora handa niya itong ampunin. Bilib kasi at hanganghanga siya sa husay nitong umawi at umarte. Hanga siya dahil, matulungin ito kaya marami ang sa kanya’y nagmamahal. Ang turing nga niya rito ay parang kapatid, kaya hindi siya magdadalawang isip na tulungan ang isang Nora Aunor kapag ito’y naghirap at huwag naman daw sanang mangyari iyon,” kuwento ng malapit na kaibigan ni Allan K., sa akin.