Patuloy ang pag-angat ng Pinay tennis sensation na si Alex Eala matapos umakyat sa career-high world ranking na No. 54 sa pinakabagong talaan ng Women’s Tennis Association (WTA).
Ang 20-anyos na si Eala ay umakyat ng apat na puwesto mula sa dating No. 58, bunga ng kanyang magandang performance sa mga kamakailang torneo sa Asia — kabilang ang Jingshan Open at Suzhou Open sa China, gayundin ang kanyang pagsabak sa qualifying round ng Wuhan Open.
Sa Jingshan Open, umabot si Eala sa semifinals bago matalo kay Lulu Sun, 3-6, 6-4, 6-2. Samantala, sa Suzhou Open, nagtapos siya sa quarterfinals matapos ang dikit na laban kay Viktorija Golubic, 2-6, 6-2, 7-6 (0).
Sinubukan din ng Filipina ace na makapasok sa main draw ng Wuhan Open, ang final WTA1000 event ng taon na nilahukan ng Top 5 players sa mundo. Gayunman, natalo siya sa unang qualifying round laban kay Moyuka Uchijima, 6-4, 3-6, 6-2.
Sa kabila nito, nananatiling matatag ang pag-akyat ni Eala sa pandaigdigang ranggo, isang patunay sa kanyang tuloy-tuloy na pag-asenso sa professional circuit.
Inaasahang ipagpapatuloy ni Eala ang kanyang kampanya sa Japan Open sa Osaka sa susunod na linggo, isang WTA250 event, kung saan inaasahang haharap siya sa ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa Asia. (RON TOLENTINO)
