Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) si Albuera, Leyte Mayor Kerwin Espinosa matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Cebu City Regional Trial Court (RTC) Branch 14 kaugnay ng kasong murder.
Kasama ni Espinosa na sumuko ang dalawa pang akusado matapos ideklara ng korte na walang inirerekomendang piyansa para sa nasabing krimen.
Kinumpirma ni NBI spokesperson Palmer Mallari ang pagsuko ng alkalde, na naglabas din ng isang video message nitong Huwebes ng umaga upang hilingin ang panalangin ng kanyang mga tagasuporta para sa kanyang kaligtasan.
Si Espinosa ay nahalal bilang alkalde ng Albuera noong 2025 midterm elections kasama ang kanyang kapatid na si RR Espinosa na nanalo naman bilang bise alkalde.
Matatandaang unang naging laman ng mga balita si Espinosa noong 2016 matapos siyang ituro ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa Eastern Visayas, kasunod ng pagsalakay sa kanilang tahanan na nagresulta sa pagkakasamsam ng P11 milyong halaga ng shabu.
Sa kabila ng mga serye ng kontrobersya, kabilang ang dati niyang pagdawit kay dating Senadora at ngayon ay Mamamayang Liberal Representative Leila de Lima sa droga sa loob ng New Bilibid Prison, binawi na ni Espinosa ang lahat ng kanyang alegasyon laban sa mambabatas.
Sa kasalukuyan, nananatili siya sa ilalim ng kustodiya ng mga awtoridad habang gumugulong ang proseso ng kanyang kaso sa Cebu.
