
Sa panahon ngayon, ang credit card ay isa sa mga pinaka-gamitin at pinaka-makapangyarihang kasangkapan sa pananalapi—ngunit ito rin ay maaaring magdala ng panganib kung hindi gagamitin nang tama.
Ayon sa mga eksperto, ang tamang paghawak sa credit card ay mahalaga sa pagtatamo ng matatag na kinabukasang pinansyal. Bahagi ito ng mas malawak na konsepto ng tamang pagba-budget, pag-iimpok, at pamamahala ng utang.
Narito ang mga benepisyo at babala sa paggamit ng credit card:
BENEPISYO NG PAGKAKAROON NG CREDIT CARD
1. Discounts, Promos, Cashback at Reward Points
Karamihan sa mga credit card ay may kasamang promos at diskwento sa mga kilalang establishments gaya ng SM Supermalls, Robinsons, at iba pang restaurants.
May mga card ding nagbibigay ng cashback sa groceries (hal. sa Puregold o Metro), habang ang reward points ay puwedeng ipalit sa airline miles, shopping vouchers, o pambayad sa bills.
2. Madaling Gamitin Kahit Saan
Tinatanggap ang mga credit card sa loob at labas ng bansa, maging online o physical stores. Hindi mo na kailangan magdala ng malaking halaga ng cash, kaya mas ligtas at mas maginhawa ang pamimili at pagbabayad ng bills.
3. Emergency Fund o Cash Advance
Sa biglaang pangangailangan—tulad ng medical emergencies o pagkasira ng kagamitan—maaaring gamitin ang credit card para sa cash advance. Isa itong pansamantalang solusyon habang wala pang sapat na cash on-hand.
4. Credit Score at Loan Approval
Maayos na paggamit ng credit card ay nakakatulong magpatatag ng credit score—isang mahalagang requirement sa pag-apply ng housing o auto loan, at kahit visa. Kung laging on-time ang bayad, mas magiging madali ang pagkuha ng financial support sa mga bangko.
DISADVANTAGE O DAPAT IWASAN
1. Utang at Overspending
Dahil sa madaling pag-swipe ng card, maraming nalulubog sa utang. Tandaan: kung hindi mo mabayaran ng buo bawat buwan, lalaki ang interes at lalala ang utang. Maging disiplinado sa paggastos.
2. Deadlines at Late Fees
Ang hindi pagbabayad sa tamang petsa ay magreresulta sa late fees at mas mataas na interes. Ugaliing itala ang cutoff at due dates ng iyong credit card.
3. Mahirap i-monitor ang gastos
Kapag sunod-sunod ang gamit ng card, puwedeng malito o mawalan ng kontrol sa ginastos. Mahalaga ang regular na pag-review ng monthly statements.
4. Interest Charges at Annual Fees
May mga card na may annual fee na umaabot sa ilang libong piso. Mas mainam na basahin ang terms and conditions bago pumili ng card, para masulit mo ang mga benepisyo nito.
Payo ng mga eksperto: Ang credit card ay hindi “libreng pera.” Isa itong responsibilidad na may malaking epekto sa iyong kinabukasan. Gamitin ito nang tama, at maaari itong maging kaagapay mo sa pag-abot ng iyong financial goals.
