Hihilingin ni Navotas City Mayor Toby Tiangco sa Sanggunian ng lungsod na magpasa ng ordinansang magbabawal sa videoke at malakas na pagpapatugtog posibleng hanggang gitna ng 2021 matapos magreklamo dahil sa ingay ang mga estudyanteng nasa online classes.
Nakasaad sa liham ni Tiangco sa Konseho na may petsang Oktubre 5 ang hiling na ipagbawal ang pag-iingay maliban kung araw ng Linggo dahil nabubulahaw umano ang mga mag-aaral.
“Sumulat po tayo sa ating Sangguniang Panlungsod para mapag-usapan nila ang pagpasa ng ordinansa ukol sa pagbabawal ng paggamit ng videoke at karaoke o pagpapatugtog nang malakas mula Lunes hanggang Sabado. Ito ay para matulungan natin ang ating mga estudyante na makapag-aral nang mabuti,” anang alkalde.
“In view of the foregoing, request is hereby made for the enactment of an ordinance temporarily prohibiting the use of karaoke or videoke machines from the date of effectivity until 30 July 2021, which is the estimated date for the end of the school year, from Monday to Saturday,” nakasaad sa liham.
Gayunpaman, pwedeng umawit ang mga Navoteño kapag araw ng Linggo dahil walang pasok ang mga estudyante ngunit limitado pa rin ito mula lamang 1 p.m. hanggang 10 p.m.
Ang kahilingan ng alkalde sa Sangguniang pinamumunuan ni Vice Mayor Clint Geronimo ay “for urgent consideration.”
“Habang hindi pa po ito naipapasa, hinihingi po natin ang pang-unawa, pagmamalasakit at kooperasyon ng lahat. Mahirap po ang kalagayan ng ating mga estudyante pati mga guro—malaking hamon ang pag-aaral o pagtuturo sa bahay. Kaya iwasan po natin ang mga gawaing maaaring makagambala sa kanila,” ani Tiangco.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY