May 17, 2024

4 HULI SA BUY-BUST SA MALABON

ARESTADO ang apat na hinihinalang sangkot sa illegal na droga kabilang ang isang bebot sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City, kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang naarestong mga suspek na si Maryjane Caberio, alyas Bebang, 39, Benjie Manuel, 22, Mark Jayson Lagunday, 27, pawang ng NBBS Proper, Navotas City, at Joshua Flores, 18, ng Guyabano St., Brgy Potrero Malabon City.

Ayon kay Col. Tamayao, ala-1:30 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PSSg Edison Dela Cruz ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Gov. Pascual corner Macopa Rd.  Brgy. Potrero.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang 16 plastic sachets na naglalaman ng aabot sa 7 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P47,000 ang halaga at buy-bust money.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Malabon City Prosecutors Office.