NANAWAGAN ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang na gabayan lamang sa pagkatuto ang kani-kanilang mga anak at huwag sagutan ang work sheets ng mga estudyante.
Pahayag ito ni Education Undersecretary Tonisito Umali sa online media forum, isang araw bago magbukas ang klase sa mga pampublikong paaralan bukas, Oktubre 5.
Ayon kay Usec. Umali, mahalaga ang papel ng mga magulang sa bagong set-up ng pag-aaral pero hindi nangangahulugang sila na ang aako sa mga gawain ng bata.
“Hindi po sila ang dapat sasagot ng pagsusulit o takdang aralin o gawaing pang-upuan ng mga bata. Klaro po ‘yan,” saad ng kalihim. “Ang mahalaga po nito, siguruhin niyo lamang na sa paraan ng paggabay niyo ay natututo ang mga bata.”
Ipinaalala rin nito ang naging pagpupulong sa mga magulang kung paano gagabayan ang mga bata para matuto sa gitna ng “new normal.”
Nabatid na dahil sa patuloy na banta ng coronavirus pandemic, magpapatupad ang mga paaralan ng distance learning kung saan matututo ang mga bata mula sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng modules, online classes, telebisyon at radyo.
Unang itinakda ang class opening sa mga pampublikong paaralan sa bansa noong Agosto 24, pero inilipat ngayong buwan dahil pa rin sa deadly virus.
More Stories
BAGONG TATAG NA TARLAC CHAPTER & GYM KAAGAPAY SI SIKARAN OFFICIAL MASTER CRISANTO
Bagong gym, binuksan sa Navotas
PAGPAPALIBAN SA BARMM ELECTIONS, PINAG-AARALAN NA – PBBM