Pormal nang lumagda sa isang kasunduan ang Manila Electric Company (Meralco) at ang Light Rail Transit Authority (LRTA) upang matiyak ang maayos na suplay ng kuryente at napapanahong pagtatapos ng mga bagong istasyon sa ilalim ng LRT-1 Cavite Extension Project.
Saklaw ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ang paglilipat ng mga apektadong pasilidad ng kuryente at ang pagtatayo ng mga imprastrakturang kailangan para sa pagpapailaw at operasyon ng mga istasyon sa ilalim ng Packages 2 at 3 ng proyekto.
Sasakupin nito ang huling bahagi ng linya mula sa Lungsod ng Las Piñas hanggang sa Bacoor, Cavite—kabilang ang mga itatayong istasyon sa Las Piñas, Zapote, at Niog. Kapag nakumpleto, inaasahang mas mapapabilis at magiging mas maginhawa ang biyahe ng mga komyuter mula sa katimugang bahagi ng Metro Manila at Cavite.
Ang kasunduang ito ay bahagi ng patuloy na pakikipagtulungan ng Meralco, LRTA, at ng Department of Transportation (DOTr) upang isulong ang mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura sa bansa.
Ayon kay Meralco Senior Vice President at Head of Networks Froilan J. Savet, sisiguraduhin ng kanilang kumpanya na magiging ligtas at maayos ang gagawing trabaho nang may pinakamaliit na posibleng abala sa serbisyo ng kuryente ng kanilang mga kostumer.
“Ang maaasahang transportasyon ay hindi lamang nagpapaikli sa biyahe; inilalapit din nito ang mga oportunidad sa mga tao. Gagawin ng Meralco ang kinakailangan sa aming panig upang magpatuloy ang proyekto nang ligtas at responsable,” pahayag ni Savet.
Samantala, binigyang-diin naman ni Meralco Senior Vice President at Head of Customer Relations and Services Charina P. Padua na ang paglagda sa kasunduan ay hindi lamang isang seremonya, kundi isang hakbang upang isakatuparan ang kanilang pangako para sa mas maunlad na sistema ng transportasyon sa bansa.
