Mas pinahigpit ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang intelligence monitoring at operasyon laban sa mga sindikato o indibidwal na nagsasamantala sa mga bata at katutubo para pagkakitaan sa pamamagitan ng pangangaroling sa kalsada ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ipinag-utos ni NCRPO Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher Abrahano sa lahat ng district commanders at yunit ng pulisya na bantayan at pigilan ang paghakot sa mga bata at miyembro ng Indigenous communities patungong Metro Manila upang mamalimos at mangaroling sa mga abalang kalsada, intersection, at komersyal na lugar.
Layunin ng direktibang ito na mapigilan ang posibleng kaso ng child exploitation, human trafficking, at iba pang uri ng pang-aabuso, kasunod ng mga ulat noong mga nakaraang taon kung saan ginagamit ng mga mapagsamantalang grupo ang mga katutubo at kabataan para kumita ng pera.
Nilinaw ni Abrahano na ang hakbang na ito ay hindi naglalayong mag-discriminate laban sa mga Indigenous Peoples o ipagbawal ang lehitimong tradisyon ng pangangaroling tuwing Pasko. Sa halip, layon nitong protektahan ang mga bulnerableng sektor mula sa pamimilit at pang-aabuso.
Inatasan ng hepe ng NCRPO ang kanyang mga tauhan na palakasin ang pangangalap ng impormasyon, bantayan ang posibleng pagre-recruit at pagbiyahe sa mga biktima, at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga nasa likod ng ganitong raket.
Makikipagtulungan din nang malapit ang pulisya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na social welfare office upang masigurong mabibigyan ng tamang pagsusuri, proteksyon, at tulong ang mga batang masasagip.
“Nais naming matiyak na ang diwa ng Pasko ay hindi magagamit para pagsamantalahan ang mga bata at pamilya. Prayoridad namin na protektahan ang kapakanan, dignidad, at karapatan ng bawat bata at miyembro ng ating komunidad,” diin ni Abrahano.
Hinimok ng hepe ng NCRPO ang publiko na maging mapagmatyag at agad na i-report sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o sa social welfare authorities kung may mapansing kahina-hinalang paghakot o sapilitang pagpapalimos sa mga bata.
Paalala ng pulisya sa mga mamamayan, ibigay lamang ang impormasyon sa mga awtoridad at iwasang komprontahin ang mga pinaghihinalaang suspek o i-post sa social media ang mukha at pagkakakilanlan ng mga batang sangkot para sa kanilang kaligtasan.
