Nilinaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala siyang binitawang pahayag na sa Estados Unidos na lamang mag-aangkat ang Pilipinas ng 100 porsyento ng mga produktong pang-agrikultura at enerhiya ng bansa, taliwas sa naging anunsyo ni U.S. President Donald Trump matapos ang kanilang pagpupulong sa Malacañang.
Batay sa ulat, inihayag ni Trump kasunod ng kanyang pagbisita noong Miyerkules na pumayag umano ang Pilipinas na bilhin sa Amerika ang lahat ng pangangailangan nito sa agrikultura at enerhiya gaya ng langis, kapalit ng proteksyon ng Amerika laban sa China. Tinukoy pa ni Trump na hindi dapat sa ibang bansa gaya ng Brazil o Middle East bumibili ang Pilipinas dahil hindi umano tutulong ang mga ito sakaling magkaroon ng sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China.
Gayunpaman, nang makapanayam ng media si Pangulong Marcos bago umuwi mula sa China, binigyang-diin niya na nais ng Pilipinas na magkaroon ng mas maraming supplier ng mga pangunahing bilihin sa halip na umasa lamang sa iisang bansa upang maiwasan ang problema sa suplay.
Ipinaliwanag ng Pangulo na ang aktwal na nangyari ay binuksan lamang ng Amerika ang merkado nito sa enerhiya at pagkain—gaya ng soybean at wheat—upang maging karagdagang opsyon ng Pilipinas at mapunan ang nawalang kalakalan sa Ukraine at Russia Dagdag pa ni Marcos, wala pang pinal na detalye ang naturang pag-aangkat at kasalukuyan pa lamang itong tinatrabaho ng kanyang gabinete.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nagpapatuloy pa ang negosasyon hinggil sa pag-aangkat ng enerhiya mula sa Amerika, at papayag lamang ang bansa sa mga kasunduang tiyak na pakikinabangan ng bawat Pilipino.
Samantala, ayon sa Department of Agriculture, ang Brazil ang nananatiling isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng Pilipinas ng imported na karne tulad ng baboy, manok, at baka na ginagamit sa paggawa ng corned beef. Kamakailan lamang din, sa pagbisita sa Maynila ni Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva para sa ASEAN Summit, nagkasundo ang Pilipinas at Brazil na lalo pang palakasin ang kanilang ugnayan sa agrikultura at livestock.
Pinuna rin ng ekonomistang si Dr. Roehlano Briones ang pahayag ni Trump na sisimulan ang 100% pag-aangkat mula sa mga magsasakang Amerikano sa Enero 1.
Ayon kay Briones, imposible itong maisakatuparan sa loob lamang ng isa’t kalahating buwan dahil sa proseso ng pag-aayos ng mga purchase orders at cargo shipments, at magdudulot lamang ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Iginiit ng ekonomista na mahalaga sa sistema ng pandaigdigang kalakalan ang pagkakaroon ng maraming mapagkukunan ng suplay at ang pag-iwas sa mga eksklusibong kasunduan.
