50 taon na. Ngunit ang sakit, ang pag-ibig, at ang pagbangon ni Rosario ay buhay pa rin.
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
MAY mga pelikulang pinapanood lang. At may mga pelikulang hindi ka pinakawalan kahit tapos na ang credits. Ganoon ang ‘Tatlong Taong Walang Diyos’.
Noong 19 Nobyembre 1976 Biyernes ay tahimik itong ipinalabas. Walang TikTok. Walang trailer na nagvaviral. Walang hashtag. Subalit paglabas ng mga tao sa sinehan ay iba na ang kanilang mga mata. Parang may naiwan sa kanilang dibdib na hindi maipaliwanag. Parang may sugat na hindi nila ibig gumaling agad.
Limampung (50) taon na ang nakalipas. Ginto na ang anibersaryo ngunit parang kahapon lang naganap.
Dahil ang kuwento ni Rosario ay hindi lang kuwento ng digmaan. Kuwento ito ng isang babaeng guro ng Majayjay, Laguna, na nangakong magpapakasal kay Crispin subalit ginahasa, sinaktan, at iniwan ng digmaan na parang walang Diyos.
Si Rosario na ginampanan ni Nora Aunor (1953-2025) ay hindi kontrabida at hindi rin santa. Tao siya: natakot, nagalit, nagmahal sa pinakahindi inaasahang tao – si Masugi, ang Hapones-Pilipinong opisyal na ginampanan ni Christopher de Leon. At doon tayo natamaan.
Paano mamahalin ang taong sumisimbolo sa sakit? Paano patatawarin ang nakaraan habang nagdurugo pa ang kasalukuyan? Paano mabubuhay sa tatlong taong pakiramdam ay tinalikuran ng langit?
Si Mario O’Hara (1946-2012) na sumulat at nagdirek ay hindi siya nagbigay ng madaling sagot. Hindi siya naglagay ng bayaning laging tama. Ang binigay niya ay totoo, marumi, magulo, makatao. Kaya noong 23 edad si Nora ay siya mismo ang nagproduce ng pelikula sa ilalim ng NV Productions. Sugal iyon subalit nanalo siya. Nakamit niya ang Best Actress sa FAMAS (itinatag 1952) at Gawad Urian (itinatag 1977). At nakuha ng Pilipinas ang isa sa mga pinakadakilang pelikula. Hindi ito pelikula para sa mahina ang puso. Pelikula ito para sa mga marunong makinig sa katahimikan.
Ngayong 2026 ay ibang henerasyon na ang nanonood. Iba na ang sinehan at mga artista. Subalit kapag pinanood ulit ang digitally restored version nito na inayos noong 2016 ay mararamdaman pa rin ang bigat ng bawat tingin ni Rosario. Ang bawat pag-iyak niya na parang ikaw ang umiiyak. Ang bawat pagtayo niya ay parang ikaw ang tumatayo.
Limampung (50) taon. Iyan ang kalahating siglo ng pag-iyak, pag-ibig, at pagbangon. At kung tatanungin kung bakit kailangan pa nating panoorin ngayon: Dahil hindi pa tapos ang giyera sa loob natin.
May mga araw na pakiramdam natin ay walang Diyos at iniwan tayo. Subalit si Rosario sa gitna ng lahat ng iyon ay pinili pa ring mabuhay, magmahal, at maging tao. Ito ang pamana ng ‘Tatlong Taong Walang Diyos’.
Hindi lang ito pelikula. Isa itong paalala na kahit tatlong taong walang Diyos, may tatlong taong may tao pa rin na lumalaban. At sa loob ng limampung taon, hindi pa rin namamatay.
