Mariing kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang umano’y ilegal na pag-aresto sa tinatayang 276 na raliyista at ang pagpigil ng kapulisan sa mga abogado at kinatawan ng Commission on Human Rights (CHR) na makalapit agad sa mga nakadetine kaugnay ng mga kilos-protesta sa 49th ASEAN Summit.
Sa panayam sa programang Ted Failon & DJ Chacha sa 105.9 True FM nitong Lunes, Nobyembre 16, 2026, sinabi ni BAYAN President Renato “Ka Nato” Reyes Jr. na naganap ang mga pag-aresto sa loob mismo ng Liwasang Bonifacio—na isang freedom park—at sa Sucat, Muntinlupa habang patungo ang kanilang mga kasamahan sa pagtitipon.
Ayon kay Reyes, lantarang nilabag ng Philippine National Police (PNP) ang batas nang harangin umano sa Camp Bagong Diwa sina Gabriela Women’s Party Representative Sarah Elago, ang mga abogado mula sa People’s Lawyers, mga pamilya, at mga kinatawan ng CHR.
“Under the law, lawyers, CHR should have access to the detainees at any time. Ibig sabihin ho, hindi diskresyon ng pulis kung kailan maaaring kausapin ng abogado ‘yung mga detenido. Pero bakit gano’n ang ginawa nila? Ilang oras ang lumipas hindi namin maipasok ang pagkain, hindi sila makausap ng kanilang mga pamilya,” pahayag ni Reyes.
Pinabulaanan din niya ang paliwanag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagkaroon naman ng akses ang mga abogado sa pamamagitan ng isang “intermediary”.
“Hindi ho pupwede ‘yung through an intermediary. That is not how the law works. Talagang ‘yung kapulisan, lecture nang lecture sa atin na sumunod sa batas, umayon sa batas, pero klarong-klaro kahapon sila ang numero unong lumalabag sa batas,” giit ng lider ng BAYAN.
Inakusahan din ni Reyes ang kapulisan ng umano’y police brutality matapos masugatan ang ilan nilang kasamahan, kabilang ang isang nawalan ng malay dahil sa tinamong head injury at isang senior citizen na umano’y kinaladkad.
Kinukuha na rin umano ng kanilang legal team ang pangalan ng camp commander at iba pang opisyal ng NCRPO na responsable sa pagharang sa mga abogado upang sampahan ng kaukulang reklamo.
Bukod dito, ibinunyag ni Reyes na nakatanggap sila ng impormasyon na may planong harangin ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga magpoprotestang manggagaling sa UP Diliman, habang hinaharang din umano sa mga checkpoint sa Welcome Rotonda ang mga jeepney na patungo sa Liwasang Bonifacio. Binanggit din niya ang ulat mula sa mga nakatambay sa Liwasang Bonifacio na may nagkalat umano ng dumi ng tao sa lugar upang pigilan ang pagtitipon doon, bagay na una nang itinanggi ng NCRPO.
Sa kabila ng mga tensyon, tiniyak ni Reyes na tuloy ang kanilang mapayapang pagkilos hanggang sa pagdating ni US President Donald Trump, kasabay ng pagbuwelta sa panawagan ng Malacañang na makiisa muna para maipakita ang pagiging hospitable ng mga Pilipino.
“Paano naman ho kami makikiisa sa Malacañang? Paano kami makikiisa kung ibinebenta ang bayan sa mga dayuhan? Paano kami makikiisa kung ang gusto ay pagtakpan lang ang kahirapan pero wala namang solusyon sa kahirapan?” ani Reyes.
