Sita at babala ang inabot ni Davao City Assessor Engineer Jaime Adalin mula sa mga senator-judge kaugnay ng mga alegasyon ukol sa kaniyang all-expense-paid trip sa China noong 2025.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, Nobyembre 9, 2026, ginisa ni private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. si Adalin, na siyang unang testigo ng depensa, tungkol sa biyahe nito sa China noong Disyembre 2025 na diumano’y isponsor ng Chinese consulate.
Bagama’t nag-object ang defense counsel na si Lindon Bacquel dahil sa usapin ng relevance, ipinaliwanag ni Tolosa na layunin lamang niyang subukan ang kredibilidad ng testigo.
Mismo si Adalin ang nagsabi kay Tolosa na sa tingin niya ay walang kaugnayan ang tanong, na nagdulot naman ng tawanan sa loob ng session hall.
“Funny ka do’n ha, Engineer Jimmy,” biro pa ng impeachment presiding officer na si Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Sinabi ni Adalin na hindi na niya maalala ang sinasabing biyahe, dahilan para punahin ng prosecutor ang kaniyang pagiging pawang palaiwas sa mga tanong. Nang si Escudero na ang nagtanong ukol dito, sumagot ang testigo ng: “Siguro? Again, I don’t have the record. Hindi mo naman memorize ‘yung mga lakad mo ‘no.”
Hindi naman nagustuhan ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang inasal ng testigo at binigyang-diin na maaari itong i-cite for contempt.
“Mr. Presiding Officer, para ho tayong niloloko ng testigo na ito. Sir, may I remind you that you’re under oath. ‘Yung ginagawa ho ninyong, ginagawa niyong kengkoy ang inyong testimonya, bawal po ‘yan. We can cite you for contempt,” diin ni Tulfo.
“We’re serious here. Tinatanong ho kayo, nakapunta ba kayo? Ayaw niyong sabihin. ‘Yung petsa, hindi niyo rin malaman… ‘Yung pagsisinungaling po eh nasa kanya ho ‘yun, may consequences po ‘yan.”
Matapos ang lunch break, kinumpirma ni Adalin sa pagtatanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang kaniyang kamakailang biyahe sa China, ngunit itinanggi nitong naaalala pa ang isang 2-day trip noong Nobyembre 2018.
“Gusto mo pati CCTV footage kaya ko ibigay sa ’yo. November 12, 2018, PR356 China. At two days ka lang sa China. At ang dami mong biyahe, engineer… Hindi kita nilalait ha, pero magkano ba ang suweldo mo para ikaw ay palaging nag-a-abroad?” tanong pa ni Tulfo.
Naging malabo rin ang mga sagot ni Adalin nang tanungin kung aling travel agency ang nag-ayos ng kaniyang mga biyahe, ngunit iginiit niyang sariling pera niya ang ginamit sa pagbiyahe.
Ang testimonya ni Adalin ay may kaugnayan sa ari-arian sa Matina Crossing, Davao City na nakadokumento sa 2024 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni VP Sara Duterte.
Una nang inakusahan ng prosekusyon ang Bise Presidente na hindi nito idineklara ang dalawang ari-arian sa Davao: ang lote sa Matina na binili ng kaniyang asawa na si Atty. Manases Carpio sa halagang P6 million noong Hulyo 2024, at ang isa pa sa Island Garden City of Samal na nagkakahalaga ng P3.4 million noong 2018.
Ayon naman kay Adalin, ang ari-arian sa Matina Crossing na nasa tax declaration ng City Assessor’s Office ay ang parehong ari-arian na idineklara sa SALN ng Bise Presidente.
