Bago ang lahat nais muna nating pasalamatan si EPD District Director PBGen. Roman C. Arugay at ang buong kapulisan ng EPD sa isinawagang Meet and Greet kasama ang mga local media na ginanap ngayong araw, Nobyembre 6, 2026 sa kanilang headquarters sa Pasig City.
Sa naturang meet and greet natalakay nga itong nangyaring trahedya sa Mandaluyong City nitong nakaraan lamang, kung saan nasawi ang isang 23-anyos na online seller na nagbenta ng iPhone 17 na nagkakahalaga ng P50,000.
Nagpanggap na buyer ang suspek at kinuha ang cellphone nang hindi nagbabayad bago mabilis na pinaharurot ang SUV. Sinubukan siyang pigilan at sumabit ang biktima sa sasakyan, ngunit nahulog siya at kalaunan ay nasawi matapos manatili sa ospital.
Ito po’y masakit na paaalala sa panganib na dala ng tiwala sa mga taong nakikilala lang natin online.
Hindi lang po ito simpleng kaso ng pagnanakaw, babala na rin ito sa lumalalang peligro sa tinatawag na “meet-up culture” ng online selling. Lalo na ngayong magpa-Pasko, nagkalat na naman ang masasamang loob, Susmaryosep!
Kaya ang paalala ni EPD DD PBGen. Arugay, na hindi sapat na maging mabilis sa negosyo, bagkus kailangan munang unahin ang sariling kaligtasan. Tama nga naman, mga ka-Berdugo.
Katulad nga nitong nangyari sa Mandaluyong kung saan napatay ng suspek ang nasabing online seller. Mabuti na lamang at mabilis nasakote ng masisipag nating kapulisan ng EPD ang suspek na positibong kinilala ng GF ng biktima.
Hindi lang iyon. Napag-alaman natin mula kay PCol. Rey Ochavo, hepe ng Mandaluyong PNP, na may iba pa palang naging kaso itong suspek tulad ng sexual harassment, grave threat at nasangkot din pala ito sa “gas-and-run” sa QC kamakailan lang.
Kaya pursigido ang ating mga kapulisan na mabulok sa oblo itong pasaway na suspek nang hindi na makapangbiktima ng iba pa. Tumpak!
Sa panahon ngayon mga ka-Berdugo, madaling magpanggap ang sinuman sa likod ng social media profiles. Kapag pera o mamahaling gamit na ang nakataya, nagiging mabilis na target ang mga online seller ng mga elementong masama ang hangarin.
Kaya ang payo ni Sir Arugay, pumili ng safe zones. Huwag kailanman pumayag sa mga secluded na lugar o sa loob at tabi ng mga sasakyan kung saan madaling makakatakas ang buyer.
Ang pinakaligtas na lugar para sa meet-up ay sa mga pampublikong pasilidad gaya ng mall, malapit sa barangay hall, o sa mismong tapat ng istasyon ng pulisya kung saan may sapat na CCTV at tao.
Siya nga pala, nakikiramay tayo sa pamilya ng biktima, at naiintindihan natin ang instinct na bawiin ang pinaghirapang ari-arian. Subalit ipinapaalala nito sa atin na ang cellphone o pera ay kayang kitain uli, ngunit ang buhay ay iisa lamang. Huwag nang sumugal kung tumatakas na ang suspect.
Kung kinakailangan, magsama ng kasama sa meet-up. Siguraduhing bayad muna o kumpirmadong pumasok na ang bank transfer bago ibigay ang gamit.
Ang hustisya ay kasalukuyan nang umuusad sa pagka-aresto sa suspek, ngunit sana’y magsilbi itong wake-up call sa pangkalahatan.
Mabilis na ngayong makipagtransaksyon sa internet, pero dapat mas mabilis ang ating pag-iingat.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
