Patay ang limang pinaghihinalaang armadong magnanakaw, kabilang ang dalawang dating miyembro ng pambansang pulisya, matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa Bacoor, Cavite noong Martes ng hapon.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Allen Rae Co, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may armadong grupong nagbabalak manloob sa isang mayamang na residente sa isang exclusive subdivision sa Bacoor.
Dahil dito, nagkasa ng beripikasyon ang Bacoor Police sa pamumuno ni Lt. Col. Alexie Desamito kung saan natukoy ang dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo, na ang isa ay nakasuot pa ng uniporme ng security guard, at sinusundan ng isang kotse.
Nang subukang parahin ng mga pulis ang mga suspek para sa inspeksyon, agad umanong nagpaputok ang mga ito na nagpasimula sa isang palitan ng putok at habulan.
Isang suspek ang nahulog mula sa sasakyan at agad na napatay sa unang palitan ng putok. Nagpatuloy ang habulan patungong Molino Flyover sa Barangay Molino 4 kung saan sumalpok at tumagilid ang sasakyan ng mga suspek habang patuloy na nagpaputok sa mga pulis, na nagresulta sa pagkatumba ng dalawa pang suspek.
Dalawa pang miyembro ng grupo ang nagtangkang tumakas sa pamamagitan ng pangaagaw ng motorsiklo sa isang sibilyan, ngunit napatay rin sa kasunod na bakbakan laban sa mga nagrespondeng pulis.
Dalawa pang suspek na nakatakas sakay ng isa pang motorsiklo ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong .45-caliber at dalawang .38-caliber na baril.
Kabilang sa mga napatay ang dalawang dating pulis na diumano’y sangkot din sa dating kaso ng panloloob sa Caloocan City.
Ang isa sa kanila ay natanggal sa serbisyo noong 2018, habang ang isa naman ay idineklarang Absent Without Official Leave (AWOL) noong Pebrero ngayong taon at naghihintay na lamang ng pormal na utos ng pagkakatanggal.
Ginit din ng PNP na hindi nila ito-tolerate ang anumang ilegal na gawain ng kanilang mga tauhan o dating kasamahan sa serbisyo.
“First of all, we are showing that we do not tolerate these kinds of things, these kinds of activities, even among our former colleagues,” pahayag ni Co. “The fact that he was dismissed because of what he did before… is proof that the PNP under our chief PNP disciplines our own subordinates and we will not allow them to remain in the PNP.”
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may iba pang dating miyembro ng PNP na sangkot sa naturang grupo, habang nagpapatuloy ang hot pursuit operations laban sa dalawang natitirang suspek.
