Ipinasara ni Bacoor City Mayor Strike Revilla noong Sabado, Oktubre 31, ang isang lokal na pet crematorium matapos matagpuang nakatambak sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte City, Bulacan ang mga labi ng mga aso at pusa na dapat sana ay ikiki-cremate.
Ayon kay Revilla, ipinatupad ang closure order laban sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium pagkatapos ng meeting nito sa may-ari ng negosyo na si Jonathan Legaspi at sa higit 30 pet owners na nagtiwala ng kanilang mga pumanaw na alaga sa naturang establishment.
Bago ito, inihayag ng San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS) na nakakita sila ng 25 bangkay ng aso at pusa sa loob ng pitong malalaking sako malapit sa Barangay Minuyan Proper. Naging sanhi ng amoy-baho ang mga sako na inireklamo ng mga residente noong Oktubre 31, habang may mga saksi namang nakakita sa isang puting van at ilang ‘di kilalang indibidwal na nagbaba ng mga sako noong umaga ng Oktubre 29.
Sinabi ni Revilla na may valid business permit naman ang crematorium para mag-operate sa Bacoor gamit ang dalawang cremation machine—isa sa Bacoor at isa na nasa Caloocan umano.
Inamin ni Legaspi na dinala sa Caloocan ang ilang alaga para i-cremate, ngunit wala siyang maipakitang sapat na dokumento o patunay na totoong naisagawa ang cremation. Hindi rin niya ma-confirm kung kasama ang mga nahanap na hayop sa mga post online sa mga ipinagkatiwala sa kanyang negosyo.
Dagdag pa ni Revilla, walang CCTV footage o malinaw na records ang establishment para patunayang na-cremate nga ang mga alaga o kung ang abong ibinalik sa mga customer ay tunay na mula sa kanilang mga alagang hayop. Dahil dito, inatasan na ng alkalde ang legal office, Business Permits and Licensing Department, Environment Service Department, at City Veterinary Office na imbestigahan ang pasilidad.
Sa hiwalay na update noong Sabado, sinabi ng SJDM CPS na hinukay nila ang mga naibaon nang labi matapos magtungo ang mga pet owner para kilalanin at kunin ang kanilang mga alaga. Umabot sa 16 na aso at dalawang pusa ang narekober.
Ayon sa pulisya, ang mga unclaimed remains ay muling ibabaon sa Citrus Public Cemetery sa San Jose del Monte dahil sa decomposition at posibleng hazard sa kalusugan. Nakikipag-coordinate na rin ang pulisya sa city veterinary office at City Environment and Natural Resources Office ukol sa maling pagtatapon ng mga hayop.
Inihayag naman ng rescue group na Luna And Furry Siblings na na-claim na ng mga may-ari ang lahat ng narekober na hayop. Nawa’y magtulungan din umano ang publiko sa pag-gather ng CCTV footage, pagbibigay ng USB drives, at pag-fund sa printing ng mga ebidensya habang naghahanda silang maghain ng kaso.
Nag-assist na rin ang Bacoor City Police Station at Barangay Kaingin-Digman sa mga pet owners sa pagdodokumento ng reklamo. Ilan sa kanila ay humihingi ng compensation at damages, habang ang iba naman ay tutuloy sa pagsampa ng kaso sa pulisya.
Hawak ngayon ng Bacoor City Police Station ang mga reklamo para sa estafa at civil damages, habang ang San Jose del Monte police naman ang humahawak sa mga paglabag sa local sanitation at solid waste ordinances.
Mariing kinondena ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang umano’y paglillang sa mga pet owners na nagbayad para sa cremation service ngunit natuklasang itinapon lang pala ang bangkay ng kanilang mga alaga.
Ayon sa PAWS, maaaring maikonsiderang estafa sa ilalim ng Revised Penal Code ang ginawa ng crematorium. Pinayuhan nito ang mga apektadong pet owners na itabi ang mga resibo, certificates, chat logs, litrato, at iba pang records para sa legal assistance.
“The bond between a person and a companion animal does not end with death,” pahayag ng PAWS. “PAWS stands with affected pet parents in seeking truth, accountability, and justice.”
Naglabas din ng pahayag ang Animal Kingdom Foundation at sinabing hindi basura ang mga aso’t pusa kundi pamilya na pinagkagastusan ng mga owner para mabigyan ng marangal na pamamaalam. Tinawag din ng grupo na isang malaking betrayal at kawalan ng pagpapahalaga sa tiwala ang ginawang pagtatapon sa mga labi.
“Lahat sila ay inilaban ng kanilang mga pamilya hanggang sa huling hininga,” ayon sa grupo. “At nang matalo sa laban ay ginastusan upang mabigyan ng maganda at marangal na pamamaalam.”
