PATAY ang isang negosyante matapos barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek sa harap mismo ng kanyang motor shop na kanya ring tirahan sa Malabon City, Lunes ng gabi.
Kaagad nalagutan ng hiningan sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si alyas “Mark Anthony”, 32, residente ng Blk 8H, Lot 7, Teachers Village, Brgy., Longos.
Batay sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-11:05 ng gabi nang maganap ang insidente sa labas ng bahay ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg Michael Oben at P/SSg. Bengie Nalogoc, lumabas ng kanyang bahay ang biktima nang dumating ang delivery rider na may dala sa kanyang biniling produkto.
Habang tinatanggap nito ang pakete, biglang dumating ang dalawang magka-angkas sa motorsiklo at nang bumaba ang isa, bumunot agad ng baril at malapitang pinaputukan ng dalawang beses sa ulo ang biktima sa harap mismo ng nahintakutang delivery rider.
Isang testigo naman ang nakakita sa gunman na sumakay sa motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabuwat bago tumakas ang mga ito patungong Langaray St., sa Caloocan City.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril sa biktima habang nagsasagawa na rin ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar na maaring makakatulong upang makilala at madakip ang mga salarin. (JUVY LUCERO)
