Mga ka-Berdugo, baka napangiti o napailing kayo nang manawagan ang Pangulo na maghanda ng mga balde para sa matinding tagtuyot ng Super El Niño.
Hindi lang ito simpleng paalala. Malinaw na ito ay pag-amin sa kapabayaan at kawalan ng kahaandaan ng ating gobyerno sa nakalipas na maraming dekada.
Nasanay na tayong makakita ng mahahabang pila ng balde sa mga gripo. Pero alam niyo ba na ang Metro Manila ay 90 percent na nakadepende sa iisang dam lang na nakatayo pa sa ibabaw ng isang active fault line?
Tingnan natin ang kapitbahay nating Singapore. Dati, nakadepende lang sila sa supply ng tubig mula sa Malaysia. Pero gumawa sila ng paraan.
Ginawa nilang malaking catchment area ang dalawang-katlo ng kanilang bansa patungo sa 17 reservoirs; nilikha nila ang NEWater para i-recycle ang wastewater gamit ang modernong teknolohiya; at nagtayo sila ng mga desalination plant para gawing inuming tubig ang tubig-dagat! Ayos!
Eh sa Pilipinas, ano’ng ginawa natin?
Ipinasa natin ang lahat ng gastusin at sakripisyo sa mga private concessionaires at water districts na madalas ay hawak pa ng mga may koneksyon sa politika. Pinabayaan nating masira ang ating mga kagubatan at watersheds dahil sa illegal logging, dahilan kung bakit binabaha tayo kapag may bagyo pero natutuyuan naman tayo kapag tag-araw.
At ang masakit pa rito, mahigit 30 magkakahiwalay na ahensiya ng gobyerno ang humahawak sa usapin ng tubig! Nagkakagulo sa policy, nagkakaturuan, at walang iisang malinaw na plano. Araykupo!
Noong 2022, sa unang SONA pa lang ni PBBM, isinulong na ang paglikha ng Department of Water Resources o DWR para pagsamahin ang lahat ng ahensyang ito at magtayo ng mga tunay na dam at water storage facilities. Pero hanggang ngayon, nakatengga pa rin ito sa Kongreso.
Ang mapait na katotohanan dito. Ang imprastraktura na kailangan natin para malagpasan ang El Niño ngayon, dapat 20 o 30 taon na ang nakararaan pa itinayo.
Kaya ngayon, dahil hindi natuto ang mga nakaraang liderato at mabagal ang kasalukuyang sistema, wala tayong magagawa sa mga susunod na buwan. Magtiis at bumili na lang muna tayo ng balde.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com.
