Ang alokasyon para sa Ilocos Norte 1st District ang nakakuha ng pinakamalaking slice sa budget.
Lumundag na ng partido si House Majority Leader Sandro Marcos mula sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang partido ng kanyang amang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungo sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang partido ng kanyang tiyo at dating House Speaker na si Martin Romualdez.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source sa loob ng Kamara, nanumpa ang nakababatang Marcos kay Camiguin Representative at kasapi ng Lakas na si JJ Romualdo noong Lunes, Oktubre 11, sa House of the Representatives.
Tikom ang tanggapan ni Marcos kaugnay ng naturang paglipat ng partido at walang inilabas na opisyal na pahayag o larawan mula sa ginanap na oathtaking.
Nabatid namang dumalo sa nasabing kaganapan si dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa kasalukuyan, wala pang ibinibigay na opisyal na dahilan hinggil sa kanyang paglipat ng partido. Naganap ang hakbang na ito ilang linggo matapos maaresto si Romualdez dahil sa kasong plunder kaugnay ng anomalya sa mga flood control project at sa national budget.
Mananatiling nakatindig ang partido sa panig ni Romualdez sa kabila ng kontrobersiya, habang nanawagan sila ng pagiging patas at due process kasunod ng pag-aresto sa kanya
Kasalukuyang nananatiling pinakamalaking paksyon sa Kapulungan ang Lakas-CMD na may tinatayang 60 miyembro, bagama’t mas mababa ito kumpara sa dating higit 100 kasapi noong 19th Congress.
Sumusunod naman bilang ikalawang pinakamalaking grupo ang National Unity Party (NUP) na may humigit-kumulang 50 miyembro.
Sinisikap naming kunin ang panig ng Lakas-CMD at PFP ngunit wala pa ring ibinibigay na pahayag ang dalawang partido ukol dito.
