“Naka-move on na po ako. Okay na po, napatawad ko na.”
Sa pananaw ng isang karaniwang tao, ang mga salitang ito ay tila simbolo ng kapayapaan at pagpapatawad. Ngunit para sa mga imbestigador at prosecutor ng gobyerno, ito ang pinakamalaking bangungot sa pakikipaglaban sa mga cybercriminal.
Sa kamakailang anti-scam forum na inorganisa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ibinahagi ni Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime Assistant Director Chris Jark Ace Maño ang mapait na realidad kung saan sinabi nito marami sa mga biktima ng scam ang biglang nawawalan ng interes na ituloy ang kaso kapag handa na ang mga awtoridad na iharap ang mga akusado sa korte.
“Eh paano naman ‘yung kaso? Marupok nga,” pahayag ni Maño kaugnay ng biglang pagbabago ng isip ng ilang complainants. Binigyang-diin niya na kung may isang ugali ang mga Pilipino na kailangang baguhin, ito ay ang “ningas-kugon” mentality, ang matinding simula sa pagrereport ngunit kakulangan sa determinasyon na tapusin ang laban hanggang dulo.
Hindi biro ang bumuo ng isang matibay na kaso laban sa mga scammer.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Financial Intelligence Unit Chief Minerva Sobreviga-Retanal, kailangan ng prosecution ang mismong mga biktima para patunayan na may totoong pinsala o damage na nangyari at tumayo bilang mga saksi sa korte.
Dahil sa kawalan ng pakikipagtulungan ng ilang biktima, kahit ang mga matagumpay na raid sa mga scam hub ay minsan ay hindi nauuwi sa charges ng fraud. Sa halip, napipilitan ang mga awtoridad na magsampa ng ibang kaso tulad ng qualified trafficking in persons dahil ayaw nang humarap ng mga tunay na scam victim.
Ayon sa pag-aaral ng Global Anti-Scam Alliance (GASA), 15% ng mga Pilipino ang nawalan ng pera dahil sa scam, ngunit 29% lamang sa kanila ang nag-ulat sa mga awtoridad.
Ang iba ay nahihiyang umamin na sila ay naisahan, habang ang ilan naman ay ayaw maabala sa mahabang proseso ng imbestigasyon at pagdinig sa korte.
Kung dati ay ang mga nakatatanda (ang mga tito, tita, lolo, at lola) ang madalas na target, nagbago na ang hangin.
Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Renato Paraiso, dumarami na rin ang mga biktima mula sa Gen Z, Millennials, at Gen Alpha.
Ang pangunahing dahilan? Overconfidence.
Akala ng marami, dahil sila ay “tech-savvy”, ligtas na sila sa scam. Ngunit maging ang Country Manager ng Google Philippines na si Prep Palacios ay umaming nabiktima ng online seller at nanakawan ng P90,000. “I’m a tech executive, and I was still fooled,” pag-amin ni Palacios.
Napakabilis ng galaw ng mga scammer ngayon. Sa tulong ng cryptocurrency at virtual assets, ang pera ay naililipat sa loob lamang ng ilang milliseconds. Kapag ang biktima ay nag-atubili o nagmarunong na mag-imbestiga sa sarili niyang paraan, nasasayang ang mahalagang oras na sana’y ginamit ng awtoridad para mai-trace ang pondo.
Ang pakikipaglaban sa cybercrime ay hindi lamang tungkulin ng pulisya o ng DOJ bagkus ito ay nakasalalay din sa pakialam at lakas ng loob ng bawat biktima.
Ang pagpapatawad ay magandang asal, ngunit kapag ang kapalit nito ay ang kalayaan ng isang kriminal na muling manloko ng iba, hindi na ito kabutihan. Sa madaling salita, ito ay nagiging pagkunsinti.
Kung nais natin ng mas ligtas na digital space sa Pilipinas, kailangan nating itakwil ang ningas-kugon at ipaglaban ang katarungan hanggang sa huling yugto ng korte.
