Umabot sa 74 reklamo ng love scam kada buwan ang natatanggap ng Bureau of Customs (BOC), kung saan mas tumataas pa ang bilang na ito tuwing buwan ng Enero.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, inihayag ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang nakababahalang kalakaran na ito batay sa mga ulat na kanilang natanggap sa nakalipas na mga buwan.
Kabilang sa mga naitalang kaso ang isang senior citizen na inilapit ng kaniyang mga anak sa BOC matapos maloko at mahuthutan ng humigit-kumulang P9 milyon ng kaniyang nakilalang online boyfriend sa Facebook.
Ayon sa BOC, karaniwang modus ng mga love scammer ang makipagkaibigan at makipagrelasyon sa internet.
Pagkatapos makuha ang tiwala ng biktima, mangangako ang scammer na magpapadala ng mamahaling regalo o package mula sa ibang bansa.
Kalaunan, hihingian nito ang biktima ng humigit-kumulang $1,000 hanggang $2,000 sa dahilan na kailangan umano ito bilang bayad sa clearance ng bagahe sa customs.
Nilinaw ng ahensiya na kung noong una ay mga senior citizen ang pangunahing target ng mga scammer, ngayon ay may mga biktima na ring naitala na nasa edad 30 hanggang 40 anyos.
Dahil dito, muling nagbabala ang Bureau of Customs sa publiko na mag-ingat at huwag agad magtiwala sa mga nakikipagkilala o nakikipagrelasyon online, lalo na sa mga banyagang hindi pa personal na nakikita. (MINA PADERNA)
