Patuloy na pinaiigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga paghahanda at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa ligtas at maayos na pagdaraos ng 49th ASEAN Summit at kaugnay na mga pagtitipon sa darating na Nobyembre.
Dumalo si NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano sa inter-agency coordination meeting para sa Harmonized Actions and Interventions nitong Huwebes, Oktubre 1.
Dumalo rin sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Tourism (DOT), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang mga stakeholders.
Tinalakay rito ang mga estratehiya ukol sa traffic management, mobility, seguridad, crowd control, at lohistika sa mga venue at pampublikong pasilidad.
Ayon kay PBGen. Abrahano, maagang isinasagawa ng NCRPO ang mga inilatag na seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng buong Metro Manila.
Kasama rito ang pagpapatindi ng police visibility, security coverage sa mga official convoy routes, at ang pagpapalakas ng intelligence monitoring sa paligid ng mga hotel, paliparan, at transport hubs.
“Our preparation is centered on coordination, readiness, and rapid response. We want every concerned unit and agency to know its role and be ready to act when needed. At the same time, we want to make sure that the security measures for the Summit will be carried out with minimal inconvenience to our residents and the motoring public,” pahayag ni PBGen. Abrahano.
Tiniyak din ng NCRPO sa publiko na bagama’t nakatutok sila sa seguridad ng mga delegado at lider ng ASEAN, sisiguraduhin nilang hindi magdudulot ng labis na perwisyo ang mga inilatag na seguridad sa pang-araw-araw na pamumuhay at biyahe ng mga residente sa Kalakhang Maynila.
