Natagpuang patay ang pitong katao, kabilang ang tatlong kabataan, sa loob ng isang minahan sa Sitio Dalicno, Barangay Ampucao sa Itogon, Benguet kasunod ng isang insidente na tinitingnan ngayon ng pulisya bilang kaso ng matinding gas poisoning.
Ayon sa Itogon Municipal Police Station, tinatayang nangyari ang trahedya noong Setyembre 30.
Kinilala ang mga biktima na sina Bryan Campos Madrid, 18; Kenjie Igaan Mangayen, 19; Crisanto Igaan Gapacan Jr., 19; Alvin Lazaro Daniel, 21; Orviel Kiwingan Valdez, 22; Hill Limong Padon, 25; at Leonardo Bacuteng Pino, 62
Batay sa ulat, isang saksi ang naalarma matapos mabalitaan na may mga taong na-trap sa loob ng tunnel at naisawata sa nakalalason na gas.
Agad na nagtungo ang saksi sa lugar upang kumpirmahin ang kaganapan at mabilis na humingi ng tulong.
Mabilis na naglunsad ng retrieval operation ang mga responder at bandang 11:00 ng umaga noong Huwebes nang mailabas sa tunnel ang pito na wala nang buhay.
Opisyal na naitala sa pulisya ang insidente bandang 12:30 ng hapon sa parehong araw.
Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang uri at pinagmulan ng nakalalason na gas, pati na rin ang buong pangyayari sa likod ng trahedya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
