Rehas ang kinasadlakan ng isang 26-anyos na lalaki matapos arestuhin ng mga barangay tanod dahil sa pagpasok nang walang pahintulot sa bakuran ng isang bahay, pati na rin sa tahasang pagmumura at paglaban sa mga awtoridad sa Barangay Ampid II, San Mateo, Rizal.
Batay sa spot report ng San Mateo Municipal Police Station, nakilala ang suspek na si alyas “Ryel,” 26, walang trabaho at residente ng Duraville Homes Subd. sa nasabing barangay.
Nangyari ang insidente nitong Setyembre 6, 2026, humigit-kumulang 10:00 ng gabi sa bakuran ng biktimang si alyas “Arnan,” 29, isang construction worker.
Lumalabas sa imbestigasyon na ilegal na pumasok at pagala-gala ang suspek sa premises ng biktima, dahilan upang humingi agad ng saklolo si Arnan sa mga responder ng Barangay Public Safety Officer (BPSO).
Pagdating ng mga responder na sina Tanod Arnold at Joey, nakitang nagwawala at agresibo ang suspek. Sa kabila ng paulit-ulit na utos na kumalma, pinalagan at minura pa nito ang mga tanod sabay bitiw ng mga salitang, “Mga p*tang*na ninyo, wala kayong pakialam, mga g*go, mga tanod lang kayo! Hindi ninyo ako mapapasunod.”
Dahil sa patuloy na paglaban at pambabastos sa mga awtoridad, agad na inaresto ang suspek habang binabasahan ng kanyang constitutional rights.
Dinala muna si alyas “Ryel” sa Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital para sa medico-legal examination bago tuluyang i-turnover sa pulisya.
Nahaharap ang suspek sa kasong Trespass to Dwelling at Resistance and Disobedience to an Agent of Person in Authority (Article 151 ng Revised Penal Code) sa gaganaping inquest proceeding.
