NAGDEKLARA ng “leptospirosis epidemic” ang pamahalaang lungsod ng Maynila matapos lumampas sa epidemiological threshold ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng naturang sakit sa lungsod.
Ayon sa Manila Public Information Office (MPIO), iniulat ni Officer-in-Charge City Health Officer Dr. Grace Padilla kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na umabot na sa “epidemic condition” ang pagdami ng kaso ng leptospirosis.
Batay sa datos ng Manila Health Department (MHD), umakyat sa 3.48 porsyento ang infection rate mula sa dating 1.27 porsyento noong nakaraang linggo—isang senyales ng mabilis na pagtaas ng mga nagkakasakit sa loob lamang ng maikling panahon.
Sinabi pa ni Padilla na napuno na rin ang ilang district hospitals ng lungsod tulad ng Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital, at Justice Jose Abad Santos General Hospital dahil sa tuluy-tuloy na pagdagsa ng mga pasyente.
Dahil dito, agad na inatasan ni Mayor Isko Moreno ang mga tanggapan ng lungsod na paigtingin ang kampanya laban sa leptospirosis sa pamamagitan ng public information drive at pamamahagi ng libreng doxycycline capsules sa 44 na health centers at pitong district hospitals.
Tiniyak naman ng alkalde na makikipag-ugnayan ang lungsod sa mga opisyal ng barangay upang ipamahagi ang gamot sa mga residenteng naapektuhan ng mga nagdaang pagbaha.
