Umakyat sa panibagong record-high na P19.39 trillion ang kabuuang utang ng pambansang pamahalaan hanggang noong huling bahagi ng Hulyo dahil sa pagtaas ng mga domestic at external borrowings, kasama na ang paggalaw ng palitan ng piso sa dolyar.
Batay sa huling datos mula sa Bureau of the Treasury (BTr), tumaas ng 1.7% ang utang ng bansa kumpara sa P19.07 trillion na naitala noong katapusan ng Hunyo. Mas mataas din ito ng 10.39% kumpara sa P17.56 trillion noong Hulyo 2025.
Ayon sa BTr, ang pagtaas ay pangunahing idinulot ng mga net availment sa panloob at panlabas na utang, pati na rin ang pagtaas ng piso-halaga ng mga foreign currency-denominated obligations matapos bumaba ang halaga ng piso laban sa US dollar.
Ang kasalukuyang utang ay katumbas na ng 98.09% sa pangkalahatang P19.766-trillion debt projection ng pamahalaan para sa buong taon ng 2026.
Mula sa kabuuang utang, 67.61% o P13.11 trillion ang nanggaling sa domestic sources (panloob na utang), samantalang ang natitirang 32.39% o P6.28 trillion ay pawang mga external debt (panlabas na utang).
Binigyang-diin ng BTr na patuloy nilang pinapaburan ang pagkuha ng utang sa loob ng bansa upang mabawasan ang peligro sa paggalaw ng foreign exchange at mapanatiling matatag ang debt profile ng Pilipinas.
Ayon naman kay University of Asia and the Pacific Economist Marco Antonio C. Agonia, bagama’t nasa record-high ang utang, nananatili pa rin itong “manageable” o kayang pamahalaan.
Ipinapakita rin aniya ng pagpapanatili ng investment-grade ratings ng mga credit rating agency tulad ng Moody’s, JCR, at R&I na may sapat pa ring kakayahan ang bansa na suportahan ang pananalapi at paglago ng ekonomiya.
