Lumalabas na ng hospital detention sa Camp Crame si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan ngayong Biyernes ng umaga kasunod ng ipinalabas na utos ng Sandiganbayan.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), opisyal na nilisan ni Bonoan ang PNP General Hospital sa Quezon City dakong alas-10:35 ng umaga matapos kumpletuhin ang mga kinakailangang proseso at klaripikasyon sa kanyang mga kaso.
Inihayag ni CIDG-National Capital Region (CIDG-NCR) chief Police Colonel John Guiagui na natanggap nila ang release order ng Sandiganbayan sa pamamagitan ng email noong Huwebes ng hapon.
Kinabukasan, personal na nagtungo ang mga tauhan ng pulisya sa anti-graft court upang kumuha ng sertipikasyon at tiyaking wala na itong iba pang warrant of arrest o nakabinbing kaso na makahahadlang sa kanyang paglaya.
“Masaya naman, masaya siya na mare-release siya. He’s waiting for his immediate family,” pahayag ni Guiagui sa mga mamamahayag bago tuluyang nakalabas ang dating kalihim.
Isinailalim muna sa medical check-up si Bonoan upang masigurong ligtas at fit na siyang makalabas ng kustodiya ng CIDG-NCR, bagamat patuloy pa rin siyang umiinom ng kanyang maintenance na gamot.
Magugunitang pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ng Ombudsman na alisin si Bonoan sa mga kasong plunder at graft na kinabibilangan ni dating Senator Jinggoy Estrada.
Sa botong 2-1, pumatag ang korte sa “prosecutorial discretion” ng Ombudsman kung sino ang nararapat na gawing state witness upang mapatibay ang prosecution ng mga pampublikong krimen at pag-uusig sa iba pang mga dawit sa kontrobersya.
