Inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ngayong Biyernes ang warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong ulit na kasong grave threats na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ).
Ipinahayag ni DOJ spokesman Polo Martinez na ipinag-utos ang pag-aresto matapos ibasura ng korte ang mosyon ng kampo ni Duterte na ipatigil o bawiin ang warrant of arrest.
Ayon sa korte, may sapat na “probable cause” upang litisin ang Bise Presidente sa mga nabanggit na kasong kriminal. Dahil dito, tuluyan nang gugulong ang paglilitis sa nasabing kaso.
Agad namang nagbigay ng kasiguruhan ang abogado ni Duterte na si Paul Lawrence Lim na haharapin ng Bise Presidente ang usapin habang ginagamit ang mga legal na hakbang laban sa kautusan ng RTC.
“Kahit may usapin pa sa hurisdiksyon, walang intensyon ang Bise Presidente na takasan ang batas at patuloy niyang gagamitin ang lahat ng kanyang legal remedies,” pahayag ni Lim.
Bago ito, isinagawa ang oral arguments ukol sa motion to quash ng kampo ni Duterte kung saan iginiit nilang hindi basta-basta pwedeng sampahan ng kasong kriminal ang isang nakaupong Bise Presidente na isang impeachable officer sa ilalim ng Saligang Batas. Babala ng kanyang legal team, maaaring maging mapanganib na ehemplo ito para sa iba pang impeachable officials tulad ng mga miyembro ng Supreme Court at Ombudsman.
Subalit ayon sa DOJ, ang “presidential immunity” o proteksyon sa habla ay para lamang sa nakaupong Pangulo bilang chief executive.
Nagmula ang kaso sa nagingpahayag ni Duterte sa isang online press briefing noong Nobyembre 2024 kung saan binanggit niyang may kinuha siyang tao upang ipatumba sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
