Nagbabala ang Manila Water Company Inc. na posibleng tumaas ang bayarin sa tubig ng kanilang mga customer sa huling bahagi ng 2026 pati na sa darating na taong 2027 dahil sa mga nakatakdang pagbabago sa singilin.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay news forum nitong Miyerkules, ipinaalala ni Manila Water spokesperson Jeric Sevilla na ipapatupad sa Enero 1, 2027 ang huling tranche ng limang taong rate rebasing adjustment na inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong 2022.
Ayon kay Sevilla, tinatayang lalagpas sa P1 bawat cubic meter ang epekto ng dagdag-singil sa susunod na taon, bagama’t muling kukuwentahin ng MWSS ang pinal na halaga nito. Batay sa naunang iskedyul ng MWSS-Regulatory Office, nasa pagitan ng P1.05 at P1.08 kada cubic meter ang nakalaang itataas sa 2027.
Bago pa man ang dagdag-singil sa Enero, maaari ring magkaroon ng paggalaw sa huling quarter ng 2026 dahil sa Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) na ipapatupad sa Oktubre 1.
Ang FCDA ay isang quarterly adjustment na nakabase sa paggalaw ng foreign exchange rates upang mabawi ang lugi o maibalik ang pakinabang mula sa mga pautang sa foreign currency na ginagamit sa pagpapalawak ng serbisyo sa tubig at sewerage.
Inihayag ni Sevilla na kapag humina ang piso kontra dolyar, yen, o euro sa ikatlong quarter ng taon, tataas ang FCDA. Matatandaang humina ang halaga ng piso laban sa US dollar nitong mga nakalipas na buwan.
Magugunitang walang ipinatupad na galaw sa FCDA ang Manila Water para sa ikatlong quarter ng 2026 dahil mababa sa P0.01 kada cubic meter ang naging kuwenta nito.
Ang Manila Water ang may hawak ng eksklusibong serbisyo sa East Zone na sumasakop sa 23 lungsod at bayan sa Metro Manila at Rizal, kabilang ang Mandaluyong, Makati, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Marikina, bahagi ng Quezon City at Maynila, pati na ang buong lalawigan ng Rizal.
