Humantong sa trahedya ang “fun day” ng isang kumpanya matapos saksakin at mapatay ng isang 46-anyos na lalaki ang kaniyang sariling kapatid na 36-anyos sa loob ng Dole Dangcagan Palletizing Compound sa Dangcagan, Bukidnon nitong Sabado, Agosto 22, 2026.
Batay sa imbestigasyon ng Dangcagan Municipal Police Station (MPS), nag-iinuman ang magkapatid sa gitna ng aktibidad nang sumiklab ang mainitang pagtatalo dahil sa lumang personal na galit.
Sa gitna ng gulo, bumunot ng kutsilyo ang suspek mula sa kaniyang sling bag at sinaksak sa itaas na bahagi ng dibdib ng kaniyang nakababatang kapatid.
Agad na hinawakan ng security team ng compound ang suspek bago ito itinurn-over sa mga dumating na pulis.
Samantala, mabilis namang isinugod ng Dangcagan Rescue Team ang biktima sa Bukidnon Provincial Hospital sa Kibawe ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Dangcagan MPS habang inihahanda ang kaukulang kasong kriminal laban sa kaniya.
