Ang alokasyon para sa Ilocos Norte 1st District ang nakakuha ng pinakamalaking slice sa budget.
Nakatanggap ang congressional district ni House Majority Leader Sandro Marcos sa Ilocos Norte ng pinakamalaking pagtaas sa public works funding sa inaprubahang General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara para sa 2027, ayon sa isang budget watchdog.
Batay sa transparency portal ng volunteer-driven civic technology movement na BetterGov.ph, pumatak sa P4.74 billion ang inilaang pondo para sa 1st District ng Ilocos Norte mula sa project lists ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bersyon ng Kamara.
Malaking pagtaas ito na umabot sa P4.38 billion kumpara sa P369 million na orihinal na ipinanukala para sa naturang distrito sa 2027 National Expenditure Program (NEP) o ang President’s budget mula sa ehekutibo.
Nilinaw naman ng BetterGov.ph na ang kanilang portal ay nagkukumpara lamang ng mga pagbabago sa pagitan ng NEP at House GAB, at hindi nag-aakusa ng anumang iregularidad laban sa sinumang opisyal.
“The (district engineering office) mapping associates offices with legislative districts; it does not establish that a representative requested, sponsored, or controlled a project, or that each project lies in every district associated with its office,” pahayag ng disclaimer sa kanilang website.
Gayunpaman, sa ginanap na Senate hearing noong Lunes, Oktubre 26, binigyang-diin ni Ken Abante ng People’s Budget Coalition ang mga naganap na pagtaas sa pondo.
“Nearly 7,000 projects worth P190 billion were inserted by the House without published project attachments,” giit ni Abante, habang idinagdag na karamihan sa mga proyektong ito ay para sa pagpapatayo ng mga multi-purpose building.
“If there are no published documents, the Senate should remove them. The Senate should veto them,” dagdag pa niya. “Our concern is that the House has still not learned its lesson or felt any shame, despite our marches and rallies.”
Hiningan na ng natin ng pahayag ang tanggapan ni Marcos kung bakit at paano nagdesisyon ang Kamara na dagdagan ng bilyun-bilyong piso ang public works funding sa kanyang distrito, at ia-update ang balita kapag naglabas na sila ng tugon.
Pumangalawa at pumangatlo naman sa may pinakamalaking dagdag-pondo ang mga DPWH office sa 2nd District ng Davao de Oro (na tumaas ng P1.68 billion) at 2nd District ng Misamis Occidental (na tumaas ng P1.65 billion).
Kabilang din sa top 10 ang mga DPWH district office na nagsisilbi sa mga nasasakupan nina Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, kung saan tumaas ng P1.58 billion ang budget ng DPWH district office sa kanyang distrito; House Speaker Bojie Dy na tumaas ng P1.52 billion; at House Appropriations Chair Mika Suansing na may dagdag na P1.15 billion.
Nadagdagan din ng P1.08 billion ang budget ng DPWH district office sa distrito ni Isabela 1st District Representative Tonypet Albano, samantalang tumaas naman ng P993 million ang pondo sa DPWH district office para sa nasasakupan ni Isabela 3rd District Representative Ian Paul Dy.
Nananatiling hindi pa pinal ang mga pagbabagong ito sa badyet dahil maaari pa itong aprubahan o tanggihan ng Senado, habang ang anumang pagkakaiba sa magkahiwalay na bersyon ay pagkakasunduan sa bicameral conference committee.
