Tinukoy ni Bicol Saro Party-list Representative at House Prosecution member Terry Ridon na isang “smoking gun” o matibay na ebidensya ang naging testimonya ng dating OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang news forum sa Quezon City, binigyang-diin ni Ridon na direktang itinuturo ng testimonya ni Acosta ang Bise Presidente bilang siyang nag-utos na iabot ang P125 milyong confidential funds noong 2022—at umabot sa kabuuang P500 milyon kabilang ang pondo noong 2023—kay Col. Raymund Dante Lachica na hindi naman organic personnel ng OVP.
Naging sentro rin ng usapin ang paglabag sa COA Joint Circular 2015-01 dahil ang SDO at hindi ang isang security officer ang may tungkuling maghawak at mag-disburse ng pondo.
Iginiit pa ng mambabatas na matapos ang paglalahad ni Acosta, nasa panig na ng defense team ni VP Sara ang burden of proof o mabigat na tungkulin na basagin ang mga testimonya kapag dumating na ang kanilang pagkakataon na magprisinta ng mga sariling ebidensya sa Senate Impeachment Court.
