Nagbabala ang PAGASA na inaasahang lalakas ang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila, pati na sa kanlurang bahagi ng Visayas simula sa Lunes o Martes dahil sa paghatak ng Severe Tropical Storm (STS) Saudel sa Hanging Habagat.
Ipinaliwanag ni PAGASA Weather Specialist Daniel Villamil na bagamat posibleng dumaplis lamang sa hilagang hangganan ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Saudel, ang galaw nito papuntang west-northwestward ang magiging dahilan upang maging mas matindi ang habagat.
Inaasahan naman ang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Ilocos Region, Cordillera, Batanes, Cagayan, Zambales, Bataan, Tarlac, at Pampanga.
Samantala, ang isa pang Tropical Depression na papalapit sa PAR ay hindi magdudulot ng direktang banta dahil magre-recurve rin ito agad patungong northeastward bago tuluyang malusaw.
