Nagpalabas ng direktang babala ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Lunes, Agosto 17, 2026, para sa mga residenteng naninirahan sa mga mabababang komunidad dahil sa posibleng matinding pagbaha dulot ng kritikal na pagtaas ng tubig sa La Mesa Dam at mga pangunahing ilog sa lungsod.
Batay sa ulat nitong 3 PM, umabot sa 79.69 meters ang tubig sa La Mesa Dam habang 14.25 meters naman ang San Juan River na parehong nailagay sa Alert Level 3.
Dahil dito, pinaghahanda sa posibleng pag-apaw ng tubig ang mga residente sa paligid ng Tullahan River tulad ng Fairview, Novaliches, San Bartolome, Lagro, at Commonwealth, pati na ang mga baranggay malapit sa San Juan River tulad ng Tatalon, Sto. Domingo, at Doña Imelda.
Samantala, nailagay rin sa Alert Level 2 ang Marikina River matapos pumalo sa 16.61 meters ang tubig nito, na naglalagay sa banta ng baha sa Bagong Silangan, Batasan Hills, Libis, at Matandang Balara.
Hinimok ng LGU ang taumbayan na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo habang nakatutok ang mga rescue unit sa sitwasyon ng mga daluyan ng tubig.
