Mariing kinuwestiyon ni Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang tila kawalan ng presensya ni Bise Presidente Sara Duterte sa gitna ng nararanasang malawakang pagbaha sa Luzon at ang kinakaharap nitong mga isyu sa Kongreso.
Sa isang press conference ngayong Agosto 17, 2026, hindi naitago ni Abante ang kanyang pagkadismaya sa bise presidente. Ayon sa kongresista, tila “nagagalit na ang Diyos” dahil sa pinsalang dulot ng baha, habang ang ikalawang pangulo ay piniling magpunta sa ibang bansa sa halip na asikasuhin ang sitwasyon sa Pilipinas.
“Baha na sa buong Luzon. Anong ginagawa ng ating Vice President? Nagpupunta sa iba’t ibang bansa,” ani Abante. “Nasaan siya ngayon? Gusto ko itanong, nasaan ba siya ngayon? Meron akong nakita na video, sumasayaw pa siya.”
Bukod sa isyu ng kalamidad, kinalampag din ni Abante ang bise presidente na magpakita at humarap sa mga pananagutan nito, lalo na’t mayroong mga usapin sa impeachment court sa House of Representatives. Binigyang-diin ng kongresista na milyon-milyong piso mula sa buwis ng mga Pilipino ang ginagastos ng pamahalaan, kaya nararapat lamang na maging accountable ang opisyal.
“Madam Vice President, bumabaha na. Nagagalit na ang Diyos, pati ang taumbayan napapagod na rin at gumagastos tayo ng milyon-milyong buwis dito na binibigay ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Sa huli, nag-iwan ng hamon si Abante kay Duterte: “Humarap ka na. Humarap ka na para matapos na ‘to.”
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Office of the Vice President (OVP) hinggil sa mga banat ni Abante at sa kinaroroonan ng bise presidente.
