Dismayado si Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes kaugnay ng katatapos lamang na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, kung saan aniya ay tila tuluyang nakalimutan at naisantabi ang sector ng mga nakatatandang Pilipino.
Sa isang opisyal na pahayag, inihalintulad ni Cong. Ompong ang sitwasyon ng mga senior citizen sa dahon ng anahaw.
“Para kaming anahaw. Ito ang aking naramdaman sa nakaraang SONA ng Pangulo. Noong unang panahon, ang anahaw ang ginagamit na panangga kapag umuulan upang hindi mabasa. Subalit nang magkaroon ng payong, ang anahaw ay unti-unting itinabi, itinapon, at tuluyang pinabayaan,” ani Ordanes.
BASAHIN: ‘Ilayo ang pensyon sa pulitika’: ORDANES, KINALAMPAG ANG PALASYO NA BAWIIN ANG NCSC SA DSWD
Ayon sa solon, malaki ang pag-asa ng sektor na makakarinig sila ng mga konkretong plano o magagandang balita mula sa Pangulo na magpapagaan sa kanilang pang-araw-araw na alalahanin at gastusin sa buhay.
Gayunman, bigo umano silang makarinig ng kahit isang banggit hinggil sa kanilang mga karapatan at kapakanan sa kabila ng haba ng talumpati ng Punong Ehekutibo.
Ipinanawagan din ng Ongpong ang agarang pagpasa sa mga krusyal na panukalang batas gaya ng Universal Social Pension at ang Geriatric Health Act, na aniya’y hindi lamang simpleng mga lehislasyon kundi pagkilala sa naging ambag at sakripisyo ng mga matatanda sa lipunan.
Binigyang-diin ni Ordanes ang katotohanang marami sa mga senior citizen ay nasa huling yugto na ng kanilang buhay kaya’t nangangailangan sila ng agarang kalinga mula sa gobyerno.
“Mahal na Pangulo, kami po ay malapit na sa finish line. Marami sa amin ang nasa departure area na ng buhay… Hindi po kami nagdaramdam, ngunit patuloy naming hinihiling na marinig ang aming tinig at mabigyang-pansin ang aming mga pangangailangan,” pakiusap ng mambabatas.
Pagtatapos ni Ordanes, hangad lamang nila ang isang pamahalaang may tunay na pagkalinga at nagbibigay ng dignidad sa bawat nakakatandang Pilipino upang wala nang senior citizen ang makadama na sila ay ginamit lamang ngunit kalaunan ay pinabayaan.
