Sa pagdiriwang ng kanilang ika-20 taong anibersaryo sa industriya ng kalusugan, opisyal na inilunsad ng Bell-Kenz Pharma ang Philippine Nautical Highway Sagip CPR Campaign kasabay ng paggunita sa National Sagip CPR Day noong Hulyo 15 sa Cebu City.
Katuwang sa nasabing inisyatiba ang Pamahalaang Lungsod ng Cebu, Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH), at iba pang mga stakeholder mula sa pribadong sektor.
Layunin ng kampanya na ipamahagi ang kaalaman sa Hands-Only CPR sa mga komunidad na nakakabit sa mga pangunahing ruta sa dagat sa buong bansa.

Sa pamamagitan nito, masisiguro na ang mga kasanayan sa pagligtas ng buhay ay makakarating pati sa mga malalayo at ‘geographically isolated and disadvantaged areas’ (GIDA).
Ayon kay Dr. Luis Raymond T. Go, Medical Director ng Bell-Kenz Pharma, ang dalawang dekadang paglalakbay ng kumpanya ay nakatuon sa pagiging tunay na “kaagapay” ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kaya at de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan.
Dahil ang mga karamdaman sa puso (cardiovascular diseases) ay nananatiling isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa, inilunsad ang adbokasiyang Sagip CPR noong 2025 upang turuan ang mga karaniwang mamamayan ng paunang lunas habang naghihintay ng tulong-medikal sa mga kritikal na sandali ng sudden cardiac arrest.
BASAHIN: Bell-Kenz Foundation: Edukasyon at oportunidad, susi sa paghubog ng mga susunod na lider
Sa pamamagitan ng bagong kampanya sa Philippine Nautical Highway, bubuo ang kumpanya ng network ng mga CPR-trained responder sa mga pantalan, ferry terminal, island municipalities, at mga coastal community.
Kasama sa mga sasalang sa pagsasanay ang mga transport workers at mangingisda; estudyante at guro; tourism frontliners at LGU personnel at mga community volunteers.
Ipinahayag ni Patrick Larraga, Corporate Communications at Public Affairs Head ng Bell-Kenz Pharma, na ang bawat taong matututo ng CPR ay magpapatibay sa tinatawag na “chain of survival” ng bansa.
“National Sagip CPR Day represents more than a celebration—it is a call to action. Through the launch of the Philippine Nautical Highway Sagip CPR Campaign, we are expanding our vision of a CPR-ready Philippines by ensuring that lifesaving knowledge reaches even our island and coastal communities,” pahayag ni Larraga.

Mula sa paglalayag ng kampanya sa Cebu, patuloy na palalawakin ng Bell-Kenz Pharma ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at organisasyon upang makabuo ng isang nasyon kung saan ang bawat Pilipino ay handang magligtas ng buhay.
Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa adbokasiya, bisitahin ang kanilang opisyal na website sa www.bell-kenz.net.
