Mariing itinanggi ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na mayroong epektibo at malinaw na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sa ginanap na “Kapihan sa Manila Bay” forum, ipinaliwanag ni Teodoro na ang lumulutang na “provisional agreement” ay walang basehan dahil sa magkakasalungat na bersyon ng dalawang bansa.
Ayon sa kalihim, kung ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay tinatawag itong “understanding” habang ang China naman ay iginigit na ito ay isang “deal” na may mga kondisyon, malinaw na walang naganap na tunay na pagkakasundo o “meeting of the minds.”
“I will not confirm nor deny there’s an agreement… because of the several versions coming out, it leads me to believe that there was really no agreement,” pahayag ni Teodoro.
Binweltahan din ng Defense Chief ang naratibo ng China na ang Pilipinas umano ang “nanggugulo” sa rehiyon.
BASAHIN: FM JR., pinalagan ang China
Tinawag ni Teodoro na “bullying” at purong propaganda ang mga pahayag ng Chinese Ambassador.
Ginamit niyang halimbawa ang nangyari sa Mischief Reef noong 1995, kung saan nangako ang China na ang mga istruktura ay para lamang sa “refuge” ng mga mangingisda, ngunit kinalaunan ay naging ganap na military base.
Giit ni Teodoro, hindi mapagkakatiwalaan ang mga salita ng China dahil sa kasaysayan ng panlilinlang nito.
Hindi rin pinalampas ng kalihim ang ilang lokal na opisyal na tila sumasabay sa mga “talking points” ng China.
Paalala ni Teodoro, ang West Philippine Sea ay itinatadhana ng batas ng Pilipinas (Maritime Zones Act) at mga Administrative Orders.
Aniya, ang sinumang hinalal na opisyal ay may sinumpaang tungkulin na protektahan ang Konstitusyon at soberanya ng bansa.
“Either they resign or they question the legality in the Supreme Court,” hamon ng kalihim sa mga opisyal na hindi kayang manindigan para sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa huli, nanindigan si Teodoro na hindi magpapa-distract ang Department of National Defense sa mga “fake news” at mananatiling pokus sa pagbabantay sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
