NATUNTON na ng mga awtoridad ang isang tricycle driver matapos mag-viral sa social media ang kanyang iresponsable at mapanganib na pagmamaneho sa kahabaan ng Congressional Avenue sa Quezon City.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni PBGEN Randy Glenn Silvio, ang tsuper na si Romar, 41-anyos, at residente ng Barangay Culiat sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, rumesponde agad ang District Traffic Enforcement Unit (DTEU) nang kumalat sa internet ang isang video kung saan makikita ang tricycle (Body No. 918 ng Luzon TODA / Plate No. 362TEA) na nag-exhibition sa kalsada bandang alas-11:00 ng gabi noong Hulyo 6.
BASAHIN: Mga LGU sa CaMaNaVa pinaigting paghahanda kay Bagyong Inday
Sa pakikipagtulungan sa mga opisyal ng Luzon TODA, natunton ng pulisya si Romar at ang kanyang minamanehong tricycle. Doon na napag-alaman na walang rehistro ang tricycle sa records ng Quezon City Tricycle Regulatory Division (TRD).
Bukod dito, wala ring driver’s license ang nasabing driver. Bagama’t mayroon siyang Certificate of Registration (CR) pero expired na ang Official Receipt ng motorsiklo.
Dinala ang driver at ang kanyang tricycle sa QC Tricycle Regulatory Division para sa kaukulang imbestigasyon at legal na aksyon.
Mariing nagbabala si PBGEN Silvio sa mga pasaway na tsuper na naglalagay sa kapahamakan sa mga inosenteng motorista at pedestrian.
“Reckless driving has no place on our roads… Let this serve as a warning that such irresponsible behavior will not be tolerated, and violators will be dealt with in accordance with the law,” pahayag ni Silvio.
Paalala ng QCPD sa publiko, tiyaking rehistrado at roadworthy ang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang ganitong aberya.
