Paralisado at halos huminto ang daloy ng trapiko sa northbound lanes ng EDSA at sa kahabaan ng White Plains Avenue ngayong Martes, matapos dagsain ng tinatayang 10,000 miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang isang biglaang kilos-protesta malapit sa People Power Monument.
Nagsimulang magdatingan ang mga dambuhalang bus at pribadong sasakyan ng mga kapatid sa pananampalataya bandang alas-3:00 ng madaling araw, na tuluyang umokupa sa EDSA Carousel lane at nagdulot ng matinding “gridlock” o usad-pagong na trapiko ngayong morning rush hour. Nagpakalat na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng nasa 900 hanggang 6,000 na kapulisan para sa crowd management at pagpapatupad ng “maximum tolerance.
Sa opisyal na pahayag ni INC Spokesperson Edwil Zabala, ang pagtitipon ay isang mapayapang panawagan para sa transparency, hustisya, at kapayapaan sa bansa.
Binuweltahan din ng grupo ang umano’y “selective justice” sa pamahalaan.
BASAHIN: 12-K miyembro ng INC nagtipon para sa ‘surprise rally’
Umugong sa aktibidad ang matinding suporta ng kapatiran kay Senador Rodante Marcoleta, kasunod ng anunsyo ng Office of the Ombudsman nitong Lunes hinggil sa posibleng paghahain ng kasong plunder laban sa mambabatas ukol sa hindi umano pagdedeklara ng P75 milyong halaga ng campaign donations sa kanyang SALN.
Bukod sa isyu kay Marcoleta, naging mitsa rin ng biglaang pagtitipon ang mga ulat sa social media hinggil sa diumano’y planong pagsalakay o raid sa compound ng INC sa Quezon City, na mariing tinutulan ng mga miyembro.
Bahagyang nagkaroon ng girian at tensyon sa pagitan ng mga pulis at mga protester matapos harangan ng ilang bus ang EDSA Busway.
Ayon kay NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin, bagamat walang permit ang rally at nagdulot ito ng sorpresang aberya sa mga commuter, patuloy silang nakikipag-dialogo sa mga lider ng grupo upang mapanatiling mapayapa ang sitwasyon at buksan ang mga baradong kalsada.
Pinapayuhan ang mga motorista na iwasan muna ang kahabaan ng EDSA mula Guadalupe at Ortigas patungong Cubao, at dumaan muna sa mga alternatibong ruta habang hindi pa natatapos ang programa ng INC.
