Patuloy na umaani ng pambabatikos online ang It’s Showtime host na si Kim Chiu matapos magbitiw ng isang biro na tila naghahambing sa Eat Bulaga host na si Ryzza Mae Dizon sa isang karakter mula sa pelikulang katatakutan.
Naganap ang insidente noong ika-20 ng Hunyo sa segment na “Lights, Camera, Act-Song” ng noontime show ng ABS-CBN. Sa naturang eksena, kasalukuyang umaarte si Kim kasama sina Brent Manalo at Jugs Jugueta.
Sa gitna ng kanilang pag-uusap, binalaan ni Brent si Kim: “Si Lotus Feet nasa likod mo!” Ang tinutukoy nito ay ang sikat na multo mula sa 2004 Pinoy horror film na Feng Shui.
Pagka-lingon ni Kim kay Jugs (na noo’y nakasuot ng costume), sumigaw ang aktres at pabirong sinabi ang:
“Ay! Bakit si Ryzza Mae?”
Sumakay naman sa biro si Jugs at biglang sinayaw ang “Cha-Cha,” na kilalang signature dance move ni Ryzza Mae noong bata pa ito sa Eat Bulaga.
Hindi nagustuhan ng maraming netizens ang naging hirit ng aktres, kaya mabilis na nag-trend ang usapin sa social media platform na X (dating Twitter) at Threads.
Marami ang bumatikos kay Kim at tinawag na “tasteless,” “insensitive,” at “below the belt” ang kaniyang joke para sa isang national television.
Ipinagtanggol naman ng mga tagahanga at netizens si Ryzza Mae. Giit nila, tahimik lang na nagtatrabaho ang batang host at lumaking may magandang imahe, kaya hindi nito deserve na gawing katatawanan o pulutan ng “inside joke.”
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag o paumanhin si Kim Chiu, maging ang pamunuan ng It’s Showtime o si Ryzza Mae Dizon hinggil sa isyu.
