Ligtas nang nakabalik sa bansa ang 24 na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakulong nang siyam na buwan sa Siberia, Russia.
Dumating ang mga Pinoy sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa dalawang batch kagabi, Sabado, at madaling araw nitong Linggo, Hunyo 21, matapos dumaan sa Bangkok, Thailand.
Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., mismong si Russian President Vladimir Putin ang nag-utos sa pagpapalaya ng mga Pinoy matapos niya itong hilingin sa kanilang bilateral meeting sa Kazan, Russia.
Inilarawan naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang hakbang na ito bilang isang malaking “act of goodwill” mula sa pamahalaan ng Russia.
Nabatid na nakulong ang mga OFW sa lungsod ng Irkutsk dahil sa mga isyu sa immigration matapos silang biktimahin ng mga illegal recruiter.
Nagtrabaho bilang mga cleaner ang mga biktima nang walang sapat at tamang mga dokumento.
Kaugnay nito, tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na makikipagtulungan sila sa Department of Justice (DOJ) upang imbestigahan ang kaso ng human trafficking at tugisin ang mga recruiter na nagpahamak sa mga Pinoy.
