September 19, 2024

Sekyu umawat sa nag-amok, kritikal sa saksak

NASA kritikal na kalagayan ang isang 33-anyos na security guard matapos pagsasaksakin ng egg vendor na kanyang inawat habang nagwawala at naghahanap ng away sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Si Joselito Lazaro ng Damata, Brgy. Tonsuya, Malabon ay isinugod ng kanyang live-in partner sa Ospital ng Malabon subalit kalaunan ay inilipat sa Tondo Medical Center kung saan ito patuloy na inoobserbahan sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan.

Kaagad namang nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na nakilalang si Romy Aluad, 24, ng Damata St. Brgy. Tonsuya.

Ayon kina Malabon police homicide investigators P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Julius Mabasa, naganap ang insidente alas-10 ng gabi sa Block 2, Damata, Brgy. Tonsuya.

Papunta ang biktima sa kalapit na tindahan nang mapansin nito ang suspek na nagwawala at naghahamon ng away habang may bitbit na bote ng alak.

Sinita ng biktima ang suspek at tinangkang awatin subalit, nagalit ito saka binasag ang hawak na bote bago pinagsasaksak sa katawan si Lazaro. Sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao na iprisinta ang suspek sa inquest proceeding sa Malabon City Prosecutor’s Office para sa kasong frustrated homicide.